3 MIYEMBRO NG CNN, NALAMBAT SA MANHUNT OPERATION NG PNP AT PHILIPPINE ARMY; 3 DRUG PUSHERS, ARESTADO SA ENTRAPMENT OPERATION

GapanCity- Nalambat ng pinagsanib-pwersa ng PNP at Philippine Army ang tatlong diumano’y miyembro ng CNN o Communist Party of the Philippines-New People’s Army- National Democratic Front sa isinagawang manhunt operation sa barangay Pambuan, Gapan City.

Kinilala ang mga dinakip na sina Heribert Torres y Baltazar, Hilario Guiuo, at Andres Lapuz.

Ang tatlo ay naaresto habang nasa loob ng tahanan ni Jun Candelaria sa nasabing lugar.

Nasabat si Torres sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Branch 30 sa Baler, Aurora para sa kasong murder, si Guiuo para sa mga kasong robbery with multiple homicide nakasampa sa RTC Branch 69 sa Iba, Zambales.

Kasamang naaresto si Andres na nahulihan ng dalawang hand grenades.

Nakumpiska  ang isang M16 Baby Armalite, anim na magazine ng 60 live ammunitions, isang ingram, isang kalibre 45, dalawang magazine with 20 live ammunitions.

Jaen- Inaresto ng mga operatiba ng Provincial Counter Intelligence Special Operations Group at Jaen Police ang tatlong kilabot na illegal drug pushers sa entrapment operation sa barangay Dampulan, bayan ng Jaen.

Kinilala ni Police Senior Superintendent Crizaldo Nieves, Provincial Director ang mga suspek na sina Rufino Geronimo y Dizon alyas Rufa, trentaa’y syete anyos, residente ng barangay Langla ng nasabing bayan, Christian Vallarta y Naelga, trenta’y kwatro anyos, ng barangay Apo Esquivel, Jaen, at isang pinaghihinalaang buyer ng shabu na si Juanito Pangilinan y Pablo alyas Amang, trenta’y kwatro anyos, residente ng barangay Sto. Tomas ng naturang bayan.

Nasamsam ng raiding team ang tatlong piraso ng maliit na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, at dalawang piraso ng limandaang pisong marked money. –Ulat ni Clariza De Guzman