TRICYCLE DRIVER, BINARIL NG NAKAALITANG DRIVER NG ISANG SCOOTER; AHENTE NG REAPER/ HARVESTER NIRATRAT, PATAY

San Jose City- Tigok ang isang tricycle driver matapos itong barilin ng isang hindi nakilalang lalaki dahil umano sa away trapiko sa Ramos St. corner Cardenas St. Barangay Canuto Ramos San Jose City.

Dead-on-the-spot sa pinangyarihan si Benjamin Ponce y Sarding, trenta’y nueve anyos, may asawa, tricycle driver, ng nasabing barangay at lungsod sanhi ng mga tama ng bala ng caliber .9mm sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Base sa pinagsanib na imbestigasyon ng San Jose City Police at SOCO, dakong alas nueve ng gabi ng maganap ang insidente sa kalye Cardenas ng naturang barangay.

Tinatahak ng biktima ang nasabing lugar sakay ng kanyang motorsiklo, pagliko nito sa kanan patungo sa timog ay naokupahan nito ang linya ng paparating na sasakyan na isang kulay pulang scooter na lulan ang suspek sanhi ng pagtatalo ng dalawa.

Sa tulong ng isang security guard ay naawat ang mga ito.

Umalis sa lugar ang suspek habang naiwan naman ang biktima na nag-aabang ng pasahero.

Makalipas ang ilang minute, bumalik ang suspek at pinagbabaril ang biktima.

Narekober ng mga awtoridad ang tatlong basyo ng bala ng caliber .9mm.

 

Cabiao- Patay ang isang lalaking ahente ng tinaguriang halimaw na reaper/ harvester matapos pagbabarilin sa loob ng kanilang tahanan sa barangay Sta. Rita bayan ng Cabiao.

Kinilala ang biktima na si Ernesto Sebastian y Macalinao, singkwenta’y syete anyos, na binaril habang nanunood ng tv sa kanilang bahay kasama ang kanyang asawa na sugatan sa tama ng bala ng baril.

Lumabas sa imbestigasyon, bandang alas nueve kinse ng gabi ng barilin ng sunud-sunod ng hindi nakilalang suspek ang biktima mula sa slide window glass.

Mabilis na tumakas ang suspek sa likurang bahagi ng tahanan ng mga biktima patungo palayan.

Blangko pa sa kasalukuyan ang awtoridad sa motibo sa krimen. – Ulat ni Clariza De Guzman