ISA PATAY, ISA SUGATAN SA PAMAMARIL NG RIDING IN TANDEM; APAT, KALABOSO SA PAGBEBENTA AT PAGGAMIT NG SHABU

General Natividad- Patay ang isang welder habang sugatan naman ang kasamahan nito matapos pagbabarilin ng riding in tandem sa barangay Balaring, General Natividad.

Kinilala ang mga biktimang sina Philip Gamboa y Salazar, bente nueve anyos, may asawa, at Juanito Reyes y Matias, trenta’y singko anyos, kapwa residente ng naturang barangay.

Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas tres trenta ng hapon  habang nagtatrabaho ang dalawa nang sumalakay ang dalawang hindi nakilalang lalaking nakasuot ng puting long sleeves at maong na shorts sakay ng isang kulay itim na Yamaha Mio.

Sapol sa likod ng ulo si Gamboa na naging sanhi ng kanyang kagyat na kamatayan samantalang tinamaan naman sa kanang hita si Reyes na agad na isinugod sa pagamutan.

Gapan City- Bagsak sa kulungan ang apat na katao sa isinagawang Anti-illegal drug operation ng mga awtiridad kamakalawa ng alas nueve ng gabi sa barangay San Vicente, Gapan City.

Nadakip ng Gapan City Police habang nagpa-pot session sa tahanan ni Marcial Marcelo y Crisostomo, trenta’y singko anyos sina Jovit Sampang y Marcelo, disiotso anyos, ng naturang barangay, Julian Dizon y Mendoza, bente singko anyos, residente ng barangay Bangad sa Cabanatuan City, at Maricris Sarmiento y Mendoza, bente dos anyos, ng barangay Palasan, Valenzuela City.

Nakumpiska kay Marcial Marcelo ang isang sachet ng pinaghihinalaang shabu at isang limandaang pisong marked money samantala narekober naman mula sa tatlo ang isang maliit na sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu at drug paraphernalia.- Ulat ni Clariza De Guzman