Higanteng Parol ng Talavera, bukas na sa publiko

Iniliwan na ang higanteng parol sa bayan ng Talavera sa pangunguna ni Mayor Nerivi Santos kasama si Vice Mayor Jun-Jun Rodiel at ilan pang konsehal  ng bayan.

Ayon kay Talavera Mayor Nerivi Santos, ito ang paraan ng kanilang lokal na pamahalaan upang ipadama sa bawat pamilyang Novo Ecijano sa bayan ng Talavera ang kanilang pasasalamat at pagmamahal.

Sinabi pa ng Mayora, hugis star o bituin ang nasabing parol na sagisag umano ng pagkinang at pagningning ng Talavera na ngayon ay unti-unti nang nakikilala bilang isa sa mga maunlad na bayan sa lalawigan ng Nueva Ecija.

At upang mas lalo umanong maramdaman ng mamamayan ng Talavera ang darating na kapaskuhan ay isang napakagandang firework display ang inihandog rin ng Local Government hindi lamang para sa mga bata kundi maging sa mga nakatatanda.

Sina Aling Rose at Aling Jovita kasama ang mga anak at apo, sinikap raw na makarating sa munisipyo upang masaksihan ang nasabing firework display at ang pagsisindi sa higanteng Parol sa kanilang lugar na bahagi na ng kanilang kaugalian taun-taun.

Kasabay nito, ilang produkto rin mula sa bayan ng Talavera ang ipinagmalaki ng alkalde tulad ng napapanahon at masasarap na bibingka, putobungbong, lugaw at ice cream na libreng ipinatikim sa mga naroon.

Tuwang-tuwa ang mga bata maging ang kanilang mga magulang sa libreng patikim na pinagkaguluhan at talaga namang dinumog dahil raw sa sarap ng mga ito.

Samantala, dagdag pa ni Mayor Santos, bagaman malapit na ang kapaskuhan ay tuluy-tuloy pa rin ang pagbibigay ng lokal na pamahalaan ng Talavera ng mga programa para makatulong sa kanyang mga nasasakupan partikular sa susunod na taon at ang ilan dito ay sa pamamagitan ng tulong na ipinagkaloob ng Provincial Government. Dahil dito, papuri naman ang isinukli ng ilang residente sa Mayora. – Ulat ni Mary Joy Perez