Higanteng Christmas Tree ng San Jose, inilawan na

Nagningning ang harapan ng Social Cirle ng Lungsod ng San Jose. Pinailawan na kasi ang Higanteng Christmas Tree na may taas na tatlumpu’t walong talampakan.

Daan-daang katao ang nakasaksi sa kauna-unahang pagkakataon na magkaroon ng ganitong  pormal na seremonya.

Gawa sa recycled materials ang Giant Christmas Tree tulad na lamang ng basyo ng peanut butter na binalutan ng balat ng mais, kawayan, liso na pininturahan para sa dahon nito, baging para sa pinakasinturon at pinalibutan ng makukulay ng Lead Lights na nagbigay ng magandang buhay sa Christmas Tree.

Bukod dito, labing-isang choir mula sa ibat-ibang paaralan sa nasabing lungsod ang nagpaligsahan sa pag-awit ng Christmas Songs na may temang “Pasiklaban sa Kapaskuhan.”

Napagtagumpayan ng Caanawan High School ang ikatlong pwesto, Elim School for Values and Excellence ang ikalawang pwesto at Sto. Niño 3rd National Highschool ang unang pwesto na sa simula ay nagpakita muna ng makabagbag damdamin na dula-dulaan patungkol sa mga nasalanta ng Bagyong Yolanda.

Sa pakikipagtulungan ng punong bayan ng Lungsod ng San Jose Marivic Belena, City Tourism Office, City Engineering Office, General Service Office at City Planning, naging matagumpay ang Ceremonial Lighting of San Jose City Giant Christmas Tree and Chorale Competition. – Ulat ni Shane Tolentino