Shopping Addiction o Shopaholic, isang uri ng adiksyon na karaniwan sa mga kababaihan

Isa sa mga uri ng adiksyon na mas kilala sa mga kababihan ang adiksyon sa pag sho-shopping o mas kilala bilang pagiging SHOPAHOLIC.

Ang pag sha-shopping ay karaniwang uri ng pampalipas oras, paraan upang mabili ang iyong kinakailangan, magandang oras upang makipag bonding sa iyong kaibigan, kakilala at mahal sa buhay.

Ngunit para sa ilan, ang pag sha-shopping ay isa nang uri ng adiksyon na nais man nilang tigilan o kaya naman ay pigilin ngunit ang kagustuhan pa ring bumili ng kung ano anong bagay ang nanaig.

Marami na nga ang nakapanood ng pelikulang confessions of a shopaholic kung saan ipinapakita dito kung paanong nabaon sa utang ang isang dalaga dahil sa sobrang pag sha-shopping. Ito ay nangyayari sa tunay na buhay.

May iba’t ibang dahilan kung bakit nagiging shopaholic ang isang tao. Maaaring ito ay dahil sa stress at kalungkutan, sa pag sha-shopping ibinabaling ang atensyon kesa sa problema.

Gumaganda ang pakiramdam kapag nakakabili ng mga bagay na minsa’y hindi naman kasama sa budget. Ito ay maaaring dahil sa pagbawi sa panahon na hindi pa kayang bumili ng isang indibidual para sa kanyang sarili. Maaari din namang dahil nasanay ito sa marangyang buhay.

Lahat ng ito at marami pang iba ay maaaring maging dahilan upang maging shopaholic ang isang tao. Maging bata, matanda babae man o lalake ay maaaring maging isang shopaholic.

Kalimitan sa mga kababihan ang kagustuhang bumili ng mga sapatos, damit, accessories at make-up ay karaniwan na. ngunit kapag sobra na ang pagbili maaaring early stages na ito ng pagiging shopaholic.

Sa mga kalalakihan ang pagbili ng gadget, shades, pabango, mga  accessories ng kanilang computer at kotse ang kadalasang binibili naman ng mga lalakeng shopaholic.

Pero mapa babae man o lalake ang lahat ng sobra ay masama, lalo na ang pag sha-shopping. Kung ikaw ay bumibili nang mga bagay na hindi naman kaya ng iyong budget, bumibili ng mga gamit na hindi man lamang pinag-iisipan at dahil gusto mo lang, kapag ikaw ay hindi na mapakali lalo na sa araw ng sweldo para makapunta lamang sa mall at bumili, kapag nakaka apekto na sa iyong budget ang iyong pag bili ng kung ano-anong gamit at kung unti-unti ay nababaon ka na sa utang dahil sa pag sha-shopping, ito ay indikasyon na ikaw ay isang shopaholic o adik sa pag sha-shopping.

Malaki ang epekto ng pagiging shopaholic sa buhay ng nakakaranas nito. Maaari kang mabaon sa utang at makulong. Maaaring makasira ito sa iyong relasyon sa iyong mga mahal sa buhay at mawalan ng panggastos sa oras na iyong tunay na kinakailangan.

 

Maaari mong tanungin ang iyong sarili kung dapat bang bilin ang isang bagay o hindi. Kinakailangan mo ba ito? Kasama ba ito sa iyong budget? Makatutulong ba ito sa iyo? Binibili mo lang ba ito upang sumaya o upang makapamili lamang ng kung ano ano?

At ang isa sa pinakamaganda mong gawin ay wag magdala ng malaking ekstrang  panggastos kung kinakailangan mo talagang mamili sa ganitong paraan ay hindi ka makapamimili ng mga bagay na hindi mo kailangan.

Kung sa tingin mo ay hindi mo kayang pigilan ang sarili ay wag na lamang magcredit card okaya naman ay iwan na lamang ito sa iyong tahanan.

Maraming paraan upang makahulagpos sa tawag ng pag sha-shopping. Kailangan lamang ng dedikasyon at paninindigan. –Ulat ni Philip “Dobol P” Piccio