TESDA SEC. VILLANUEVA, NAGKALOOB NG SCHOLARSHIP ASSISTANCE SA PITONG PAARALAN SA LALAWIGAN

Lulan ng isang helicopter, sinadya ni TESDA o Technical Education and Skills Development Authority General Director Sec. Joel Villanueva ang Nueva Ecija upang pangunahan ang pagkakaloob ng P10 milyong halaga ng scholarship assistance sa pitong paaralan sa Nueva Ecija na idi­naos kamakailan sa NEUST o Nueva Ecija of Science and Technology Gabaldon Campus.

Kasama ang mga TESDA official mula sa Central Luzon at Nueva Ecija Provincial Office, ibinigay sa pitong paaralan ang mga voucher na nagkakahalaga ng limangdaang libo hanggang tatlong milyong pisong scholarship assistance.

Kabilang sa mga nabigyan ng assistance ang NEUST o Nueva Ecija University of Science and Technology na umabot sa P3million at CLSU o Central Luzon State University na nakatanggap naman ng P750 thousand.

Ayon kay NEUST Pres. Hillario Ortiz, sisiguruhin niyang hindi masasayang ang scholarship assistance na ibinigay ng TESDA sa kanilang unibersidad na nakasentro umano sa kursong agrikultura.

Kaugnay nito, sa talumpati ni Villanueva, sinabi nito na nais niyang dumating ang araw na ang lahat ng mga graduate ng TESDA ay hindi na matatawag na “graduate lang ng TESDA”.

Dahil aniya, nasasaktan siya sa tuwing may naririnig siyang mga salitang umaalipusta at nangungutya sa mga graduate ng Vocational Course tulad ng sa TESDA.

Samantala, dumalo rin sa nasabing okasyon ang ilang punong bayan sa lalawigan kabilang na si Peñaranda Mayor Ferdinand “Blue Boy” Abesamis, Gabaldon Mayor Rolando Bue at naroon rin si Provincial Administrator Al Abesamis bilang kinatawan ni Nueva Ecija Gov. Oyie Umali.- Ulat ni Mary Joy Perez