ERC AT CELCOR, BINULABOG NG MGA CABANATUEÑO SA HEARING UKOL SA P89 MILLION NA SUBSTATION

Sa kauna-unahang pagkakataon nakilahok ang mga Cabanatueño sa isang public hearing sa pamamagitan ng ERC Case no. 2014-148 ERC Application for Approval of Additional (CAPEX) o Capital Expenditure, na ginanap sa University Hostel ng NEUST o Nueva Ecija University of Science and Technology, Sumacab Campus.

 

Ang naturang hearing ay para pag-usapan ang 89 milyong pisong pondon gagamitin sa ipatatayong Substation ng CELCOR o Cabanatuan Electric Corporation upang masuplayan ng pangangailangang kuryente ang itinatayong SM Cabanatuan.

 

Ang  ERC o Energy Regulatory Commission ang nanguna sa nasabing pagdinig at sina Cabanatuan City Consumers’ Association Secretary General Pastor Fort Caliz at Boses ng Katotohanan Philip “Dobol P” Piccio ang tumayong tagapagsalita naman ng mga consumers upang ipaabot ang mga hinaing ng taumbayan partikular ng mga Cabanatueño.

 

Sa datos na ipinrisinta ng CELCOR, aabutin ng halos 89 na milyon piso ang CAPEX o Capital Expenditure o ang gugugululing pondo sa naturang dalawang substation na sa halip na CELCOR ang dapat managot o gumastos dahil sila naman ang makikinabang at kanila itong negosyo ay tila ang lumalabas umano ay mga Cabanatueño nanaman ang magpapasan at magbabayad.

Lalo pang uminit ang usapin nang aminin ng CELCOR na hindi pa man naaaprubahan ng ERC ang nasabing Substation ay sinimulan na ito.

Dahil dito, naging maingay at mainit ang talakayan sa hearing na animo’y naging kilos protesta ng mahigit isang libong Cabanatueño dahil anila, hindi tama na sa kanila idagan ang 89milyon pesos na gagastusin para sa substation upang masuportahan lamang ng CELCOR ang pangangailangang kuryente ng itinatayong SM Cabanatuan.

 

Ang tanong ngayon ng marami, bakit kailangan na ang mga Cabanatueno ang magdusa gayong hindi naman sila ang makikinabang sa itatayong substation ng CELCOR?

Ikaw Cabanatueño, pumapayag ka bang sa iyo singilin ang P89million na ito?- Ulat ni Mary Joy Perez