ELJMC, MAY PINAKAMALAKING BILANG NG MGA ESTUDYANTENG NAKAPASA SA LET EXAMINATION SA BUONG REGION 3

Hindi pa rin makapaniwala sa kanyang narating si Leonard Arenas na ngayon ay CPA o Certified Public Accounting at nagtuturo sa ELJMC o Eduardo L. Joson Memorial College kung saan siya nagtapos ng kolehiyo.

Ayon kay Leonard, malaki ang pasasalamat niya sa kanyang mga guro partikular sa ELJMC at lalong higit sa Provincial Government ng Nueva Ecija na siyang naging daan para maabot niya ang kanyang mga pangarap.

Ikinwento ni Leonard ang kanyang mga pinagdaanan bago niya narating ang kanyang kinaroroon ngayon at kung paano siya natulungan ng lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Nueva Ecija Gov. Aurelio “Oyie” Umali.

Isa lamang si Leonard sa libu-libong estudyanteng natulungan at natutulungan ng lokal na pamahalaan dahil ang ELJMC ay isang eskwelahan na walang binabayarang  tuition fee o libreng nakakapag-aral ang mga estudyante sa pamamagitan ng scholarship program na ibinibigay ng pamahalaang panlalawigan.

Samantala sa kabila ng kahirapan o kakapusan umano sa pinansiyal na aspeto ng mga estudyante ng nasabing paaralan ay nakapagtala pa rin ang mga ito ngayong taon na siyang may pinakamataas na bilang ng Let passers o Liscensure Examination for Teachers sa buong Region 3.

Sa datos na inilabas ng PRC o Professional Regulation Commission ang ELJMC ay nakakuha ng  57.43% para sa August 17, 2014 LET Exam Elementary Level at 52.85% sa Secondary Level.

Pumangalawa ang NEUST o Nueva Ecija University of Science and Technology na nakakuha naman ng 54.01% para sa Elementary level at sumunod ang CLSU o Central Luzon State University na may 52.03% LET passers.

Buong pagmamalaki rin ng pamunuan ng ELJMC na naungusan pa nila ang National passing rate na nasa mahigit 30% lang.

Hindi man daw nila personal na kapamilya ang mga estudyanteng nakapasa sa exam ay nananatiling proud umano ang pamunuan ng ELJMC sa mga ito, dahil ang katuparan ng mga pangarap ng kanilang mga estudyante ay siya rin umanong tunay na nakapagpapaligaya sa kanila.- Ulat ni Mary Joy Perez