Bangkay, natagpuang lumulutang sa ilog; Lalaki na galing sa sabungan, patay sa pamamaril

Cabiao- Palutang-lutang na bangkay ng isang lalaki ang natagpuan kamakailan sa ilog sa barangay Bagong Silang, bayan ng Cabiao.

Ang biktima ay kinilala ng kanyang mga kamag-anak na si Ailo Inventor y Francisco, bente singko anyos, residente ng barangay Buliran, bayan ng San Antonio.

Ayon sa report ng Cabiao Police, bandang alas singko bente ng hapon tumawag sa himpilan si Kapitan Teodorico Balingit at iniulat na may nakitang bangkay ng isang lalaki sa bahagi ng Pampanga River sa naturang barangay.

Si Inventor ay natagpuang nakasuot ng putting sando at may hawak na pares ng itim na tsinelas sa kaliwang kamay.

Jaen- Patay ang isang lalaki matapos barilin ng hindi nakilalang suspek  sa Jaen Cockpit Arena sa barangay Sapang, bayan ng Jaen.

Nangyari ang insidente habang pasakay na sa kanyang motorsiklo na nakaparada sa parking area ng sabungan ang biktimang si Catalino Galang, kwarenta’y singko anyos, residente ng barangay Papaya, San Antonio.

Hindi napansin ng biktima ang pagsulpot ng suspek mula sa kanyang likuran.

Paulit-ulit na binaril ng suspek ang biktima na nagtamo ng matitinding tama ng bala ng baril sa kanyang likuran.

Narekober ng SOCO sa lugar ng krimen ang dalawang basyo at isang bala ng hindi pa natutukoy na kalibre ng baril.- Ulat Ni Clariza De Guzman.