BARATILYONG SAGABAL SA GITNA NG MERKADO, PERHUWISYO RIN SA TRAPIKO

Ginulantang ang pamilihang bayan ng Cabanatuan nang mahigit pitong daang kasapi ng CABANATUAN CITY SUPERMARKET VENDORS ASSOCIATION INC. o CCSVAI ang nag-rally at nagpahayag ng kanilang matinding pagtutol sa pagpapatayo ng baratilyo sa gitna mismo ng pamilihan.
Itinayo ang baratilyo sa bisa ng Ordnance 051-2014 ni Cabanatuan Mayor Jay Vergara. Nang kapanayamin ng TV48, iginiit naman ni mayor Vergara na hindi mga taga-Cabanatuan ang mga nag-rally.
Ito ang kauna-unahang kilos-protestang muling bumulaga sa Cabanatuan mula 2004. Ipinangako rin ng CCSVAI na hndi ito ang magiging huli hangga’t hindi tinutugunan ng mayor ang kanilang panawagan.
Matatandaan na matagal nang tinutulan ng mga apektadong Cabanatueno ang pagkakalugar ng baratilyo sa gitna mismo ng public market dahil bukod sa perhuwisyong dulot nito sa trapiko ay makaka-apekto ito sa benta ng mga nagtitinda sa pamilihan, lalupa’t sa kalagitnaan pa naman ng kapaskuhan.
Ipinanawagan ng mga raliyista na ilipat agad sa ibang lugar ang baratilyo na hindi magiging dagdag-perhuwisyo sa mga mangangalakal at sa trapiko. Kaugnay nito, hinihingi nilang ibasura ang Ordnance 051 ng mayor na siyang nagpatalaga ng pagkakalugar ng baratilyo.