PATOK PUNTAHAN: Palayan City

Malaking bahagi ng kasaysayan ng Nueva Ecija ang Palayan City.

Unang nakilala ang Palayan City noong June 19, 1965 nang italaga itong provincial capital ng Nueva Ecija sa bisa ng RA 4475. Dati itong isang government stock farm sa loob ng Laur at Bongabon, kung saan nagmula ang pangalan nito dahil kilala rin ang Nueva Ecija bilang rice granary ng Pilipinas.

Lalong umigting ang Palayan City noong 1969 nang itanghal dito ang National Jamboree na kinalahukan ng ilanlibong lokal at banyagang scouts. 1972 naman nang italaga ang isang bahagi ng lupa ng Palayan upang gawing resettlement area ng mga dating nakatira sa itinayong Pantabangan Dam. Kilala na ito ngayon bilang Marcos Village.

Naging makasaysayan ang Palayan noong 1993 bilang birthplace ng Asianwide Greenscouts Movement nang ganapin ang unang RP-Japan Bilatateral Ecology Work Camp dito. Nagbigay-daan ito sa mga proyektong Kawayang Buhay at Asian Ecology Forest sa pakikipagtulungan ng Asian Friendship Society.

Bukod sa sariwang hangin at payapang dulot ng mga palayan habang binabaybay ang buong lawak ng Palayan, magandang bisitahin ang Nueva Ecija Provincial Capitol, ang Nueva Ecija Convention Center (NECC), ang Sierra Madre Suites (SMS), kasama ang ilan pang makasaysayang mga gusali nito.