Sen. Allan Cayetano, nagbigay ng 150k sa Gapan Toda

Sa pagbisita ni Senator Allan Peter Cayatano sa South Central School, Brgy. San Vicente, Gapan City ay nagbigay ito ng halagang Php. 150,000 para sa samahan ng mga tricycle driver, kung saan ito ay sa ilalim ng programang Toda-Pasada ng Provincial Government sa pangunguna ni Governor Aurelio “Oyie” Umali at bilang kinatawan ng Gobernador ay dumalo si Doc Anthony Umali kasama din ang  Head ng  Provincial Cooperative Enterprise Development Office (PCEDO) na si  Doc. Rey Sarmiento.

Ayon kay Senator Cayetano, isa ang 5-6 sa nakikita niyang laganap ngayon sa buong bansa at ang ibig sabihin ay na nagangailangan ng pautang ang ating mga  kababayan kaya naman maituturing na matagumpay ang modelong ito.

Ang perang pinagkaloob ng Senador ay gagamiting puhunan ng  Gapan Federation Toda Association para sa isang kooperatiba, ngunit ang tanging pakiusap ng Senador ay huwag lalagpas o tataasan pa sa 5% ang magiging tubo sa kanilang kooperatiba upang makatulong sa kanilang samahan.

Humigit kumulang apat na libong myembro at limangput’ tatlo ang bilang ng mga samahan ng toda sa nasabing lungsod.

Ayon nga kay Edgar Ordoniz ng San Lorenzo Toda na ang takbo ng pamumuhay ng isang mag tatricycle driver ay lubhang napakahirap at kumikita ng sasapat lang at kulang pa para buhayin ang isang pamilya.

Umaabot ng dalawang daang piso ang pang karaniwang kita ng mga namamasada, subalit tanging 70% na kita ang naiuuwi ng mga owner at 30% lamang ang kinikita ng mga nakikilabas o yung tinatawag nilang nakikiboundary.

Kaya naman, laking pasasalamat ng mga tricycle driver ng lungsod ng Gapan sa kanilang natanggap na gagamiting puhunan para sa pagsisimula ng kanilang magiging negosyo.

Dagdag ni Senator Cayetano  na kung maging matagumpay ang gagawing kooperatiba ng  Gapan Federation Toda Association ay magbibigay pa siya ng karagdagang puhunan.

Sa huli ay payo ang iniwan ni doc Anthony para sa mga miyembro ng  Gapan Federation Toda Association.- Ulat ni Joyce Fuentes