Lolo, patay sa pamamaril; binata pinatay ng riding-in-tandem

Gapan City- Isang sisenta’y tres anyos na lolo ang namatay matapos pagbabarilin ng dalawang hindi nakilalang mga  suspek.

Ang biktima ay kinilalang si Leonardo Padilla Legaspi, residente ng barangay barangay San Josef, Penaranda, at Process Server ng RTC Branch 34 ng Gapan City.

Base sa imbestigasyon ng Gapan City Police, alas syete kinse ng umaga habang ang biktima ay naglalakbay sakay ng kanyang motorsiklo sa barangay San Lorenzo sa nasabing lungsod para sana pumasok sa kanyang trabaho ng bumuntot ang isang kulay Blue Kawasaki Bajaj CT100 na motor lulan ang mga suspek at walang habas na pinagbabaril si Legaspi na naging sanhi ng kanyang agad na kamatayan.

Narekober ng SOCO sa crime scene ang apat na basyo ng bala ng kalibre kwarenta’y singko at dalawang nayuping bala.

Samantala- Dead on the spot ang isang binata makaraang ratratin ng dalawang armadong kalalakihan na magkaangkas sa motorsiklo habang nagmamaneho ng kanyang tricycle ang biktima.

Kinilala ang biktima na si Jade Ace Cruz, trenta’y uno anyos, residente ng barangay Sta. Cruz sa lungsod ng Gapan.

Ayon sa report ng pulisya, alas singko ng hapon bumibyahe ang biktima sa kahabaan ng kalsada sa barangay Mangino sa lungsod ng Gapan  papauwi na sana sa kanyang tahanan ng bigla na lamang sumulpot sa kanyang likuran ang mga suspek at pinagbabaril ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Mabilis na tumalilis ang mga salarin pagkatapos na maisagawa ang krimen. – Ulat ni Clariza De Guzman