Tax-Tax Lang ‘Pag May Time, Mayor Jay?

Kakaiba rin naman ang trip ni Mayor Jay Vergara sampu ng mga alipores nito nang aprubahan nila ang mula 600% hanggang 800% na dagdag-singil sa amilyar o real property tax (RPT) sa Cabanatuan sa kabila ng mga pangako nitong hinding-hindi raw sila magtataas ng buwis habang sila ang nasa poder.

 

Ginawa nila itong panata sa gitna ng kontrobersyal na HUC na kanila ring pakana. Heto’t kasalukuyang nabinbin ang usapin sa HUC ngunit tila nangangating ipako ng mga ito ang taumbayan sa nakaambang dagdag-buwis bunsod ng di-makatarungang pagtaas ng RPT.

Nagtatanong tuloy ang mga Cabanatueno: Tax-tax lang pag may time, mayor?3 (3)

Hinugot mula sa napakalabong interpretasyon na ang kadahilanan sa likod ng inaprubahang RPT. Sabi raw kasi ng national government, walong taon nang hindi naa-update ang ebalwasyon ng mga lupa sa Cabanatuan. Ang kagila-gilalas nito, tila nag hahallucinate ang mga nakaupo at ginamit ang naturang memorandum upang tumalon agad sa kongklusyon na kailangan nang dagdagan ang singil sa amilyar.

Ang proseso ng pag-update o evaluation sa naturang memo ay hindi hudyat upang automatic na magtaas ng singil kundi isang panawagan upang balikan ang kasalukuyang kalagayan ng mga lupain sa gitna ng mga pinagdaanan nito sa pagtakbo ng panahon.

Hindi rin nito isinasantabi na lamang ang pananaw ng mga may-ari ng lupa o ng 270,000 na Cabanatueno upang bigyang laya lamang ang pagtingin ng isang city assessor o ng mga nanunungkulan. Maaari pa ngang bumaba ang buwis na ipapataw dito o gawaran ng tax amnesty tulad noong 2013 nang salantahin ng bagyong Santi ang Cabanatuan, kasama ang buong Central Luzon. Dumating din ang bagyong Yolanda. May mga lugar pa nga sa Cabanatuan na imbes na umunlad ay naging bahain dulot ng mga proyektong sumira sa likas na ayos nito. Sa ganitong mga kalagayan, malinaw na magsisilbing dagdag-pasakit ang bagong singil sa amilyar.

Kung kaya’t ang tanong muli ng mga Cabanatueno: hindi na ba kami kokonsultahin tungkol dito eh lupa at mga pag-aari namin ang nakasalalay?

4 (3)

Bakit nga ba nanggigigil ang lokal na pamahalaan ng Cabanatuan na magsabatas ng dagdag-buwis kung sa report mismo ng Department of Finance ay ipinapakitang inefficient ang pagsingil ng kasalukuyang nakaupo sa mga taxpayer? Nagniningning na “negative 6.65” ang grado ng Cabanatuan, kabilang ng ilan pang inefficient na bayan sa Pilipinas.

Plano ba ni mayor at ng mga alipores nito na parusahan ang mga honest tax payers? Hindi ba’t mas makabubuti sa Cabanatuan kung paigtingin na lang muna nila ang mas maayos na pangongolekta ng buwis nang sa gayon ay maging parehas ang pagtrato sa mga nagbabayad at nakalulusot sa pagbayad ng tax?

O sadya kayang mabait si mayor sa mga kumpanyang tax delinquent at tax evaders? Matatandaang inakusahan ng sarili niyang pinsan at dating mayor Alvin Vergara bilang tax-delinquent ang First Cabanatuan Ventures Corporation (FCVC), na pag-aari mismo ni Mayor Julius Cesar “Jay” Vergara, na siya ngayong magpapatupad ng panukalang ito. At hindi ito usaping barya na pambili lamang ng yosi, kundi isang nakaka-high…blood na isandaang milyong piso.

5

Aba, teka, nagngingitngit na tanong uli ng mga Cabanatueno: Kung ang magpapatupad ng dagdag-buwis ay siya palang pangunahing hindi nagbabayad ng buwis, aba’y lintik at balak pa yata kaming igisa sa sarili naming mantika?

Ano nga ba ang kahihinatnan ng Cabanatuan sa kamay ng mga nasa poder ngayon na tila nagbubulag-bulugan at nagtutulog-tulugan sa boses ng mga taumbayang dapat sana ay pinagsisilbihan nila? Ang masama nito, sa bawat panlilitong ginagawa ng mga nasa puwesto tulad ng usaping dagdag-singil sa amilyar, ang nga Cabanatueno lamang ang talo hanggang sa dulo.

Papayag ka na lamang ba, Cabanatueno?