Mayora Vargas, nananatiling punong bayan ng Aliaga

Nakaupo pa rin sa kanyang pwesto bilang Punong Bayan ng Aliaga si Mayora Elizabeth Vargas sa kabila ng kontrobersiyal na desisyon ni Judge Virgilio Caballero ng Cabanatuan City Regional Trial Court Branch 30 kaugnay sa election protest na inihain ng kanyang nakatunggali noong May 2013 Local Elections na si Reynaldo Ordanes.

 

Hindi natinag si Mayora Vargas ng desisyon na inisyu ni Judge Caballero na nagpapaalis sa kanya sa posisyon bilang alkalde ng Aliaga na pabor sa kanyang nakalaban na si Ordanes.

 

Pinanghahawakan ng kampo ni Vargas ang ibinabang Temporary Restraining Order and/or status quo ante order na ibinaba ng Comelec En Banc sa pangunguna ni Commissioner Sixto Brillantes na pinanigan naman ni DILG Undersecretary Austere Panadero.

 

Inatasan ni DILG Undersecretary Panadero si DILG Regional Director Florida Dijan sa memorandum na may petsang October 1, 2014 na siguraduhin ang pagpapatupad ng pinakahuling desisyon ng Comelec noong September 23, 2014 kung saan nakasaad na panatilihin ang kasalukuyang sitwasyon sa nasabing bayan.

 

Gayudin isinantabi rin ni Undersecretary Panadero ang naunang direktiba kay DILG Provincial Director Abraham Pascua na sundin ang naging desisyon ni Caballero ng RTC Branch 30 sa Cabanatuan.

Ipinaalam din ni Panadero sa pamamagitan ng memorandum na hindi pinagbigyan ang kahilingan ni G. Ordanes sa kanilang tanggapan na magbigay ng sertipikasyon para kilalanin siya bilang nahalal na Mayor ng Aliaga.- Ulat ni Clariza De Guzman