Bantay Krimen: Mga Operator ng Harvester/Reaper, Pinagbabaril

Patay ang isang helper ng harvester/ reaper sa Sitio Kaingin barangay San Juan sa bayan ng Aliaga matapos pagbabarilin ng hindi nakilalang suspek.

Ang biktima ay kinilalang si Robin Maglaqui, bente tres anyos, binata, helper sa pag-ooperate ng harvester/ reaper, residente ng Barangay Mapaniqui, Candaba, Pampanga.

Base sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas otso ng gabi, habang pinatatakbo ni Joseph Lozano, kwarenta anyos, residente ng Barangay San Miguel na Munti sa bayan ng Talavera ang harvester/ reaper sa palayan ni Armando Narciso, nang isang hindi nakilalang lalaki ang dumating, may taas na 5’3, katamtaman ang pangangatawan, naka-apple green na long sleeves, short pants, nakatakip ng t-shirt ang mukha, at armado ng baril.

Bigla na lamang binaril ng dalawang beses ng suspek ang operator na maswerteng hindi tinamaan.

Kasama ni Joseph ang kanyang mga helper na sina Glendvic Maglaqui, Richard Manimbu, at Jon-Jon Mangilit na tumakbo para makaligtas at humingi ng tulong.

Hindi nagawang tumakbo ng biktimang si Robin na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa likuran na naging sanhi ng kanyang agad na kamatayan.

Ang suspek ay mabilis na tumakas patungo sa direksyon ng barangay San Felipe, Aliaga.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang isang deformed slug ng kalibre kwarenta’y singko.

Cabanatuan City- isang tricycle lulan ang tatlong pasahero at driver nito ang hinarang at hinoldup sa Purok singko sa barangay San Juan Accfa sa Cabanatuan City.

Ayon sa salaysay ng mga biktimang sina Rolando Pabustan, Mercy Pabustan, kapwa residente ng Barangay Matadero, Lucille Gonzales, at Harold Ray Gonzales, kapwa residente naman ng Barangay Kapitan Pepe, dakong alas nueve dyes ng gabi habang nakasakay sa tricycle ang apat at bumibyahe sa Purok singko ng Barangay San Juan Accfa, isang Honda XRM na kulay Blue, walang plate number, sakay ang dalawang hindi nakilalang kalalakihan, ang umovertake, at hinarang ang kanilang daraanan.

Mabilis na bumaba ang driver ng motorsiklo at nilapitan si Rolando na siyang nagmamaneho ng tricycle, tinutukan ng baril, at tsaka nagdeklara ng holdup.

Inagaw nito ang itim na bag ni Mercy na naglalaman ng dalawang cellphone, alahas na nagkakahalaga ng PHP 1, 800.00, at iba’t ibang I.D.

Nilapitan din ng suspek ang mga pasahero na sina Lucille at Harold Ray at kinuha ang apat na unit ng cellphone, isang passbook, at Php 35, 000.00 na cash.

Kaagad na tumalilis ang mga suspek sa hindi natukoy na direksyon.- ulat ni Clariza de Guzman.