Nakolektang kontribusyon ng SSS, tumaas ng 18%

Umakyat na sa P79.5 B ang nakolekta ng SSS o Social Security System mula sa kontribusyon ng mga miyembro nito sa loob lamang ng walong buwan ngayong taon. Tumaas ito ng 18%, kumpara sa koleksyon sa nakalipas na isang taon. Ito ang inihayag sa ginanap na Kapihan ng SSS sa lungsod ng Tarlac, kasama ang mga mamamahayag sa Gitnang Luzon.

Ipinagmalaki ng SSS na kamakailan lamang ay tumanggap ng five-percent across-the-board pension increase ang mga aktibong pensioners ng ahensya, dagdag benepisyo para sa retirement, death at disability ng mga ito.

Ayon kay Emilio De Quiros Jr, Presidente ng SSS unti-unti ay dadagdagan pa ng ahensya ang benepisyong ibibigay sa kanilang 1.8 million pensioners.

Bukod sa contribution rate, umakyat din ang bilang ng mga rehistradong miyembro ng SSS, kung saan aabot na sa 31.7 milyon. Dahil sa dumaraming bilang nito, lalo pang naging masigasid ang ahensiya na mailapit ang kanilang serbisyo sa kanilang mga miyembro. Kaya naman, mas palalawakin pa umano nila ang pagbubukas ng mga sangay sa loob at labas ng bansa.

Samantala, nakikipag ugnayan na rin ang SSS sa mga bangko upang mapadali ang pagtanggap ng benepisyo o mga cash loans ng mga miyembro sa pamamagitan ng paggamit ng umid card o id card na magsisilbing kanilang atm card.

Asahan daw na mas paiigtingin pa ng ahensya ang pagbibigay ng magandang serbisyo para sa kanilang mga miyembro.- Ulat ni Danira Gabriel