Gov. Umali, nakiisa sa Fun Run ng Bongabon

Nagsagawa kamakailan  ng isang Fun Run ang NEUST  Nueva Ecija Graduate School Public Administration Society na tinawag nilang “Bonga Run Takbo pa”.

Ayon kay NEUST Nueva Ecija Graduate School Public Administration Society President Rudy San Antonio Bernardo, ang makakalap na pondo mula rito ay ilalaan sa ilang proyekto para sa mga adopted brgy. ng NEUST sa Munisipalidad ng Bongabon.

Ang naturang Fun Run ay alay umano para sa mga mahihirap na brgy. sa bayan ng Bongabon na sinuportahan naman ng Provincial Government sa pangunguna ni Nueva Ecija Gov. Aurelio “Oyie” Umali.

Lubos ang kasiyahan ni Bernardo dahil aniya, bagamat abala sa kanyang tungkulin bilang gobernador ng lalawigan si Gov. Oyie ay hindi ito nagdalawang isip na suportahan sila at makiisa sa pagtakbo kasama ang ilang runners mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa probinsya.

Dagdag pa ni Bernardo na isa lamang umano ang Fun Run na ito sa mga aktibidad at programang ilulunsad ng NEUST  Nueva Ecija Graduate School Public Administration Society.

Samantala, umabot sa mahigit kumulang 300 runners ng probinsya ang nakitakbo sa 5 kilometers kabilang ang ilang mga bata na tumakbo naman para sa 1 kilometer. – Ulat ni Mary Joy Perez