World Teachers’ Day, masayang ipinagdiwang ng mga guro sa bayan ng Guimba

My Teacher, my Hero, ito ang naging tema ng masayang pagdiriwang kamakailan ng buong bayan ng Guimba partikular ang mga guro ng West Central School sa World Teachers’ Day.

Ayon kay Guimba West District Supervisor Lourdes Cacatchan, tuwing sasapit ang araw ng World Teachers’ Day ay nagagalak ang kanilang mga puso dahil sa araw na ito ay nabibigyang halaga at parangal ang mga katulad nilang itinuturing na bayani ng bayan.

 

Samantala, kakabit ng kasiyahan ng pagdiriwang ng World Teachers’ Day ang pagbatikos ng ilan sa mga gurong nasasangkot sa pananakit sa ilang mga estudyante. Kaya naman hindi pinalampas ni Cacatchan na sagutin ang nasabing isyu.

 

Sa kabila nito, nananatiling matatag ang paniniwala ni Cacatchan bagaman tila nagiging sentro ng isyu ang ilang mga guro dahil sa di umano’y pang-aabuso at pananakit ng mga ito sa ilang mga estudyante hindi lamang sa pisikal kundi maging sa emosyonal ay  marami pa rin sa kanila ang mabubuti at sumusunod sa tungkuling magbigay ng kaalaman sa mga kabataan.

 

Ang World Teachers’ Day ay ang araw kung saan binibigyang-pugay ang mga guro dahil sa mahalagang kontribusyon ng mga ito sa pagkakaloob ng de-kalidad na edukasyon sa lahat ng antas at pagtulong sa paghubog sa pagpapabuti ng pandaigdigang lipunan.

 

Oktubre 5, 1994 nang unang ipagdiwang ng UNESCO ang World Teachers’ Day.

Ipinagdiriwang ng Pilipinas ang National Teachers’ Month sa bisa ng Proclamation No. 242 na inilabas noong Agosto 24, 2011, sisimulan ng Setyembre 5 at magtatapos sa World Teachers’ Day sa Oktubre 5.- Ulat ni Mary Joy Perez