RPT 101: Mga Dapat Alamin ng Bawat Cabanatueno

Pormal ng inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan ang ordinansa na magtataas ng real property tax o buwis ng mga Cabanatueño para sa lupa, bahay, gusali at mga kagamitan na nakalagay dito na aabot mula 600% hanggang 800%.

 

Fair Market Value: Saan Hinugot Ang 800% Na Dagdag-Singil sa Amilyar?

Sa madaling salita, kung nagbabayad ka noon ng PHP 1,000 sa amilyar,  sa bagong buwis na ipapataw ng city government ay sisingilin ka na ng  PHP6,000 hanggang PHP8,000! At ang mga nagbabayad ng isang milyon ay magbabayad na ng anim hanggang walong milyong piso sa city hall!

Ikinatwiran at ipinangalandakan ng mga nagtulak nito ang liham ng Department of Finance na nagsasabing walong taon ng nahuhuli ang Cabanatuan sa schedule ng fair market value kung kaya sa ayaw at sa gusto man ng mga Cabanatueño ay pwersahan ng itataas ang amilyar sa lungsod.

Ang nakapagtataka…noong ipinaparada nila ang sulat ng DOF ay hindi naman nila iniulat ang kapalpakan ng city hall sa pag-kolekta sa mga taong hindi nagbabayad ng buwis. Samantalang kitang-kita sa memorandum ng DOF na lumagpak sa -6.6% ang efficiency rating sa koleksyon sa rpt ng local na pamahalaan.

 

Negative Six: Inefficient Tax Collection Record at FCVC ni Mayor

Tinatayang umaabot lang sa 20% ang nagbabayad ng amilyar sa Cabanatuan. Ibig sabihin, maraming namumuwisan ang hindi nasisingil, sadyang hindi nagbabayad, at hindi nagbabayad ng tamang buwis.

Bakit imbes na paghusayin ng city ang pagkolekta sa pagbabayad ng buwis at habulin ang mga hindi nagbabayad ng tama ay itataas pa ang buwis? Katulad na lamang ng FCVC na diumano’y pag-aari ni Mayor Jay Vergara na nadiskubre ni dating Mayor Alvin Vergara at Pastor Fortunato Caliz  na hindi nagbayad ng mahigit isandaang milyon sa amilyar.

  • Bakit kaya hindi habulin ng mga konsehal si Mayor Jay para magbayad ng tamang buwis?
  • Bakit ang mga taong walang kamalay-malay ang tataasan ng buwis samantalang yung mismong nagpapataw ng buwis ay hindi naman nagbabayad ng tama?
  • Bakit ang mga taong regular na nagbabayad ng buwis ang sasalo at parurusahan sa kapalpakan ni Mayor Jay Vergara at kanyang mga alipores?

 

Samantalang ang mga hindi nagbabayad ng buwis, ay nananatiling hindi pa rin nagbabayad?

Pagtataas ba ng buwis ang solusyon sa mga hindi nagbabayad at nandaraya sa buwis?

 

Bakit noong panahon na isinusulong nila ang pagiging HUC ng Cabanatuan, sinasabi nilang walang pagtataas sa buwis? Mayaman daw ang lungsod at kailangan ng magsarili. Samantala, mas malaki pa ang nilalaan sa pagbabayad ng utang (debt servicing) kaysa general services.

 

 

Moro-morong Public Hearings: Nasaan ang Taumbayan?

Matapos ang apat na public hearings noong June 19, June 23, June 25 at June 26, 2014 sa ilalim ng Committee on Laws, Rules, and Regulations ay inaprubahan na ng mayorya ng konseho at ganap ng naging ordinasa ang panukalang pagtataas ng singil sa amilyar.

Pangunahing sumang-ayon at pumirma sa ordinansa ang Chairman ng Committee on Laws, Rules, and Regulations si Konsehal Jean Cruz, ang Vice Chairman na si Konsehal Bunso Roque, mga miyembro na sina Konsehal Mario Seeping, Konsehal Angelito Saclolo Jr., at Konsehal Jon-Jon del Rosario.

Sinuportahan ito ng iba pang miyembro ng sanggunian na sina ABC President Sergio Tadeo, Konsehal EJ Joson at Bok Diaz.

  • Bakit kaya minadaling inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ang pagtataas ng amilyar sa Cabanatuan?
  • Dumaan ba sa tamang proseso ang pag-review at pagdinig sa bagong schedule ng fair market value?
  • Bakit sinagad ang pagtataas ng singil amilyar?
  • Sapat ba ang bilang ng bawat sector na dumalo at kinonsulta sa public hearing?
  • Nauunawaan kaya ng sambayanan ang ginawang pagtataas sa amilyar?

 

 

Killer Typhoon: Mula Tax Amnesty Palipad Sa 800% Pagtaas ng Singil Sa Amilyar

June 20, 2013. Hiniling ni Mayor Jay Vergara sa Sangguniang Panlungsod sa pamamagitan ni City Assessor Heide Pangilinan na baguhin at ipasa ang bagong schedule ng fair market value ng mga ari-ariang di-natitinag sa Cabanatuan alinsunod sa itinatadhana ng Local Government Code.

July 10, 2013. Ini-refer ng Sanggunian ang panukala sa Committee on Ways and Means sa pamumuno ng Chairman na si Konsehal Ariel Severino, kung saan Vice Chairman si Konsehal Jan-Jan Cecilio, at ng member na si Konsehal Gave Caling kung saan pinag-aralan kung makatarungan bang itaas ang singil sa amilyar. Makaraan ang preliminary hearing ay hindi na ito nasundan dahil binayo ng bagyong Santi ang Cabanatuan at idineklarang nasa state of calamity ang lungsod kung kaya ipinagpaliban ang pagdinig sa panukala at nagkaroon ng tax amnesty.

April 15, 2014. Hinugot mula sa komite ng Ways and Means at inilipat sa Committee on Laws, Rules, and Regulations ang panukala.  Mas makatuwiran daw kaya ipinilit na sa nasabing komite dumaan ang pag-aaral at pagdinig sa pagbabago ng fair market value, imbes na joint committee. Sa ilalim ng Committee on Laws, Rules, and Regulations, nagkaroon ng tatlong pagbasa at apat na sunud-sunod na pagdinig.

  • Ang tanong…sapat ba ang bilang ng bawat sector na dumalo at kinonsulta sa public hearing?
  • Nauunawaan kaya ng sambayanan ang ginawang pagtataas sa amilyar?

 

 

Rubber Stamp na Konseho?

Nakarehistro sa kopya ng minutes ng ika-26 na sesyon ng Sangguniang Panlungsod, na tatlo lamang sa mga konsehal ang hindi pumirma sa ordinansa. Tatlo lamang sa labing-isang mga konsehal ng Cabanatuan ang nakipaglaban para sa karapatan ng mamamayan.

Samantalang ang natitirang walo ay silang mga nanguna sa pagpapasa ng ordinansa na magpapahirap sa taumbayan. Walang awa at walang pakundangang itinaas ng mga konsehal na ito ang buwis.

Walang pakialam sa hirap na dinaranas ng bawat Cabanatueno.