Mga abogadong Novo Ecijano, hinikayat na magbigay ng libreng serbisyo

Hinikayat ng IBP o Integrated Bar of the Philippines-Nueva Ecija Chapter ang kanilang mga kapwa abogado na sumali sa kanilang “Adopt a Litigant” o magbigay ng libreng serbisyo para sa mga mahihirap na litigante o kliyente. Ito ang inihayag sa ginanap na MCLE o Mandatory Continuing Legal Education Seminar, na ginanap sa Cabanatuan City.

Ayon kay Atty. Arnold Castro, presidente ng IBP-Nueva Ecija Chapter ang isang libreng kaso na mahahawakan ng bawat abogado kada taon, ay malaking tulong para sa kanilang Legal Aid Office.

Ang MCLE Program ay isang lektura ng mga abogado sa bansa upang ang kapasidad ng mga ito sa paglilingkod ay lalo pang mapaigting.

Kinabilangan ito ng mga paksang Disaster Risk Reduction and Climate Change Mitigation, Successful Negotiation of Disputes, Rules and Regulations Governing Campaign Finance and Disclosure, Legal Ethics next to rule of law, Digital Information and the Rules on e-evidence, Focus on mediation, Trial and Pretrial skills and criminal law updates.

Sa pagkakataong ito, bilang isa ding abogado at gobernador ng lalawigan. Libreng ipinagkaloob ni Gov. Aurelio Umali ang seminar para sa kanyang mga kapwa kumpanyero.

Pahayag ng Gobernador, patuloy siyang susuporta sa kanyang mga kasamahan sa propesyon upang mas makapagbigay sila ng patas at magandang serbisyo sa taong bayan. Ulat ni Danira Gabriel