Paalam at Salamat, Ms. Annie Liwag

Pumanaw na noong Lunes, October 6 sa edad na limampu’t lima ang isa sa mga kilalang announcer sa radyo na si Annie Liwag dahil sa liver cirrhosis o komplikasyon sa atay.

Halos tatlong linggo ang pananatili ni Annie sa ELJ Hospital sa Bitas, Cabanataun City simula noong September 12 dahil sa muling pananakit at paglaki ng tiyan at manas sa paa nito.

Ito ay matapos na maooperahan noong June 27 dahil sa pamamaga ng gallbladder o apdo kaya sumailalim si Annie sa isang operasyon na Cholecystectomy.

Ngunit nasilip ng mga doctor na may tama na ang liver at na-diagnosed ni Dr. Galang na may Liver Cirrhosis o isang komplikasyon sa atay na nilalarawan ang pagkawala ng liver cells at pagkasugat ng atay.

Sa kanyang pagkamatay, ikinagulat ng mga mahal sa buhay ni Annie at panghihinayang ang kanilang naramdaman dahil sa isa na naman sa magaling at nirerespetong announcer ang lumisan at iniwanan ang karera sa pagpapasaya ng mga Novo Ecijano.

Nakilala si Annie o Anabelle Liwag Rosales sa totoong buhay bilang Special Angel, Smiling Ate Annie at kauna-unahang nagpasimula ng Harana sa Nayon sa iba’t ibang programa sa Radyo.

Sa loob ng mahigit na 30 taon, siya ay nanilbihan naging Ate Dely ng mga panahong iyon at naging sagot sa mga problemado sa pag-ibig.

Bukod sa mga kaibigan at mga tagahanga, labis ang pangungulila ng kanyang anak na si Richard Adrian Liwag Rosales. Sa piling niya mismo binawian ng buhay na hiram sa Maykapal ang kanyang ina.

Kasalukuyang nakaburol ang labi ni Annie Liwag sa Most Holy Trinity Chapel sa Barangay Nabao, Cabanatuan City at ihahatid sa huling hantungan sa darating na Linggo, October 12 sa Old Cemetery, San Juan Accfa ganap na alas nuebe ng umaga.

Wala man sa kanilang piling ang mapagmahal, matulungin, masiyahin, mabait, palaban at mabuting ina, anak, kaibigan at kapatid , mananatili pa rin daw ang ala-ala ni Annie na nagbigay liwanag sa kanilang buhay at tumatak sa puso ng mga Novo Ecijano ang ngiting hinding-hindi malilimutan kailanman. – Ulat ni Shane Tolentino