800% Dagdag sa Amilyar, Aprubado Na

Inaprubahan na ng Sangguniang Panlungsod Committee on Laws, Rules, and Regulations ng Cabanatuan ang panukalang pagtataas ng real property tax o amilyar sa lungsod makaraan ang isinagawang serye ng mga public hearing kaugnay dito.

Ano Nga Ba Ang RPT?

Ang RPT o amilyar ay ang buwis na sinisingil at binabayaran sa mga local na pamahalaan, para sa lupa, bahay o gusali, at mga kagamitan na nakalagay dito na pag-aari ng isang mamamayan.

Ang RPT din ay ang pangunahing pinagmumulan ng kaban ng yaman ng isang bayan o lungsod. Ito ang pinagkukunan ng pondo na ginagamit ng lokal na pamahalaan para sa mga proyekto ng isang bayan o lungsod.3 (3)

Ang pagbubuwis sa ari-ariang di-natitinag ay naaayon sa mga batas na itinatakda ng Local Government Code:

  • Section 215. Para salayunin ng pagtasa, ang ari-ariang di-natitinag ay uuriin bilang pang-tirahan, pang-agrikultura, pang-komersiyo, pang-industriya, mineral, kakahuyan o ispesyal.
  • Section 217. Ang ari-ariang di-natitinag ay uuriin, hahalagahan, at tatasahin batay sa tunay na paggamit ditto, nang hindi bibigyan ng pansin, ang kinaroroonan nito, kung sino ang nagmamay-ari, at sino ang gumagamit nito.
  • Section 218. Ang antas ng pagtasa na gagamitin s a (fair market value) makatuwirang halaga sa pamilihan ng ari-ariang di-natitinag upang malaman ang tinasang halaga nito, ay itatakda sa pamamagitan ng ordinansa ng sangguniang panglalawigan, sangguniang panglungsod o sangguniang bayan.

 

Dept of Finance: “Outdated” Tax Rate, Di Nakolektang RPT

Atas umano ng Department of Finance ang pagtataas ng singil sa RPT sa Cabanatuan dahil walong taon nang outdated o nahuhuli ang Cabanatuan sa schedule ng market value kaya kinakailangan nang rebisahin ang assessment at classification ng mga di natitinag na ari-arian.

Taong 2006 pa huling nagtaas ng singil sa amilyar. Matatandaan din na noong panahon ni Mayor Alvin Vergara ay hindi naman nagkaroon ng pagbabago ng singil sa RPT.

Ayon kay City Assessor Heidi Pangilinan, aabot sa 228.21% ang itataas ng babayarang buwis sa residential, 210% sa agricultural, 355.06% sa commercial at industrial, 21.17% naman sa building.

Base sa ipinadalang memorandum ng Department of Finance sa City Treasurer na si Florida Oca at kay City Assessor Pangilinan, makikita na lumagpak sa negative six point six percent (-6.6%) ang efficiency rating sa koleksyon sa RPT ng lokal na pamahalaan ng Cabanatuan.

Ibig sabihin nito, maraming namumuwisan ang hindi nasisingil at hindi nakakabayad.

6 (3)

Tax Delinquency at ang FCVC

Paliwanag ng city assessor, maraming kalamidad ang dumaan sa lungsod ng mga nakararaang taon kaya pinagbigyan na hindi muna makapagbayad sa amilyar ang mga Cabanatueno.

Kung marami palang delingkwenteng tax payers o mga namumuwisang hindi nakakabayad sa taning na panahon, bakit kaya hindi muna ito singilin ng city hall kaysa pagtuunan nila ang pagtataas ng amilyar?

Pwera pa rito ang mga tax evasion o sinadyang kabiguan sa pagbabayad ng buwis na karaniwang dahil sa maling ulat. Katulad ito ng kaso ng First Cabanataun Ventures Corporation of FCVC na nakabinbin ngayon sa Ombudsman. Hindi umano nagbayad ng mahigit 100-million pesos na RPT ang FCVC kung kaya kinasuhan ni dating Mayor Alvin Vergara ang assessor ng Cabanatuan at si Mayor Jay Vergara.

5 (3)

HUC, Bayad-Utang at ang RPT Hike

Noong panahon na isinusulong ng city government sa pamumuno ni Mayor Jay Vergara at kanyang mga alipores ang pagiging-HUC ng Cabanatuan, ipinangangalandakan nila na kaya na raw magsarili ng lungsod.

Ipinangako rin nila na hindi magpapataw ng bagong buwis sa pagpapatupad ng HUC. Pero kabalintunaan ang lumalabas ngayon dahil kailangan nilang magtaas ng singil sa RPT para may magamit umano para sa mga proyekto.

Noong 2012, iniulat ng city ang Php 238,717,777 na debt service, sumatotal ito ng mga hinulugang utang o loan amortization for local development projects na nagkakahalaga ng Php 53,713,499.00 (no appropriation) at Php 185,004,278.00 na may Php 188,802,370.00 appropriation.

Umabot ito sa 31% ng debt service ng regular income ng lungsod, lumampas ito sa itinatakdang 20% na limitasyon sa debt servicing. Nanganghulugan ito na hindi napupunta sa social services ang kaban ng Cabanatuan at hindi nagagamit ang 20% development fund.

Maliwanag na prayoridad ng city government ang makapagbayad ng utang. Hindi naman nililinaw kung magkano lamang ba ang pangangailangan ng city hall, maging ang requirement ng DOF. Sa halip ay magtataas na kaagad sila ng mahigit sa 600% hanggang 800% na RPT.

1 (3)

Alam ni Mayor Jay at Eugene Mintu na ang Cabanatuan ay nakaranas ng sunud-sunod na kalamidad subalit ipapataw pa rin nila sa mamamayan ang pasanin para maisalba ang biglaang kakulangan sa pondo ng city.

Samantalang sa kasalukuyang halaga pa nga lamang ng RPT sa Cabanatuan ay halos mayorya na nga ng mga Cabanatueño ang hindi na makapagbayad ng taunang amilyar.

Sa kalagayan ng Cabanatuan at mamamayan nito, na walang kabuhayan, dagdag pa ang mataas na mga bayarin, halimbawa sa kuryente, hindi makatao at hindi napapanahon ang pagtataas ng singil sa real property tax.

Kapag ipinatupad ang general revision sa fair market value ng lungsod na magtataas ng buwis sa mgaari-ariang di-natitinag, resulta nito, mas maraming Cabanatueño ang hindi makakapagbayad. -Ulat ni Clariza de Guzman