Mandurukot, nasakote sa CCTV; kagawad, niratrat, dedo

Kulong ang isang babaeng mandurukot sa pamilihang bayan ng Zagagoza matapos siyang mai-record sa CCTV ng isang tindahan.

Hindi na naitanggi pa ng suspek na si Mercy dela Cruz y Reyes alyas Marry, bente anyos ang krimen na ginawa makaraang mahuli sa CCTV camera.

Base sa imbestigasyon ng Jaen PNP, alas nueve ng umaga ng ang biktimang si Melody dela Cruz ay bumubili ng tinapay sa isang tindahan sa loob ng palengke pero ng magbabayad na siya ay nadiskubre niyang nakabukas ang kanyang bag at nawawala na ang kanyang pera na nagkakahalaga ng PHP 3, 800.00.

Hiniling ng biktima sa may-ari ng tindahan na reviewhin ang CCTV footage at doon nakita ang suspek.

 

Guimba- Patay ang isang Barangay Kagawad ng Ayos Lomboy, bayan ng Guimba matapos pagbabarilin ng hindi nakilalang suspek, kamakailan sa Rufina Homes Subdivision, habang ang babaeng kinakasama nito ay tinamaan din.

 

Ang Kagawad ay kinilalang si Jimmy Dela Cruz, kwarenta’y siete anyos, may asawa, ahente ng palay at pakwan habang ang kinakasama nito ay kinilala namang si Marieta Medina, kwarenta’y siete, balo, residente sa nasabing subdibisyon.

Sa ulat ng Guimba Police Station, dakong alas otso ng gabi nang dumating ang Kagawad sa lugar ng kinakasama nito, nang binuksan  ni Medina ang gate para papasukin si Dela Cruz  ay isang lalaki ang lumitaw at pinagbabaril ito.

Tinamaan din si Medina ngunit nagawa nitong makapaok sa loob ng bahay.

Dead on the spot ang Kagawad habang  ang kinakasama na tinamaan sa kaliwang bahagi ng kamay ay isinugod sa pagamutan.

Narekober sa lugar ng insidente ang 3 basyo ng bala ng kalibre 45 baril at isang eyeglasses.

Natagpuan din ang cellphone at motorsiklong gamit ng biktima at inilagak muna sa himpilan ng pulisya.- ulat ni Clariza de Guzman