Lider ng manggagawang magsasaka, sinampal ng kapitan; 2 miyembro ng Kabataan Partylist, inilipat na sa San Jose City Jail

Pulitika ang itinuturong dahilan kung bakit sinampal umano ng isang kapitan sa bayan ng Guimba ang lider ng liga ng manggagawang magsasaka.

Ayon kay Jose Gamay, habang nagpapamigay sila ng relief goods sa mga nasalanta ng bagyong Luis at Mario sa plaza ng barangay Macamias sa bayan ng Guimba ay ipinatawag siya ni kapitan Fortunato Alcantara.

Pagkalapit umano niya kay kapitan Alcantara na nasa gilid ng kalsada ay bigla na lamang siyang sinampal nito.

Napag-alaman na si Gamay ay kumandidatong kagawad noong 2013 Barangay Election na nakatiket sa kalabang partido ni Alcantara.

Nagtungo ang Balitang Unang Sigaw Team sa tahanan ni kapitan Alcantara upang makuha ang kanyang panig ngunit hindi naming siya naabutan.

 

San Jose City- Nailipat na mula sa San Jose City Jail mula sa PPSC ang dalawang miyembro ng Kabataan Partylist na sina Guiller Cadano at Gerald Salonga na kinasuhan ng illegal possession of firearms and explosives.

Mabuti naman umano ang kalagayan ng dalawang kabataan na hinuli ng mga otoridad sa barangay R.T Padilla sa bayan ng Carranglan na iniuugnay sa CPP-NPA-NDF.

Hiling ng mga magulang nina Cadano at Salonga ay mapabilis ang paglaya ng dalawa dahil naniniwala silang wala namang kasalanan ang kanilang mga anak.

Nakatakdang maghain ng motion for re-investigation ang panig ng mga akusado sa darating na hearing ng kaso sa October 9, 2014.- Ulat ni Clariza De Guzman