89 Anyos na lolo, tigok; Opisina ng bokal, nilooban

Isang otsenta’y nueve anyos na lolo ang namatay kamakailan sa loob ng isang hotel sa Cabanatuan City dahil hindi umano ito nakahinga.

Ang biktima ay itatago natin sa pangalang “Claudio” eighty nine years old, balo, residente ng bayan ng Sta. Rosa.

Base sa imbestigasyon ng Cabanatuan PNP, inokupahan ng biktima ang isang kwarto sa Texas Hotel, bandang ala una ng hapon, isang hindi nakilalang babae ang pumasok sa nasabing kwarto. Alas kwatro trenta ng hapon aksidenteng natuklasan ng roomboy ang wala ng buhay na biktima. Samantala, ang babaeng nakitang pumasok sa loob ng kwarto ay nakaalis ng walang nakapansin.

Ayon sa mga empleyado ng hotel, ang biktima ay isang regular customer na madalas na may kasamang iba’t ibang babae.

Lumabas sa official autopsy report, na Asphyxia dahil sa suffocation ang ikinamatay ng biktima.

San Jose- Pinasok kamakailan ng mga hindi nakilalang salarin ang tanggapan ni Bokal Joseph Ortiz sa San Jose City.

Batay sa imbestigasyon San Jose City PNP, bandang alas sais trenta ng umaga binisita ni Bokal Ortiz ang kanyang opisina sa City Health Office Compound sa barangay R. Eugenio San Jose City, noon niya nalaman na ang padlock sa pinto sa harap ng tanggapan ay winasak.

Tinangay ng mga suspek ang isang amplifier, isang DVD player, isang printer, at barong na hindi na natukoy kung magkano ang halaga.- ulat ni Clariza de Guzman.