Mga kawani ng pamahalaang panlalawigan, binigyang pugay sa ginanap na Employee’s Day

Itinakda ni Governor Oyie Umali ang September 30, 2014 bilang Civil Servant’s Day upang kilalanin ang tapat na paglilingkod ng mga empleyado ng kapitolyo sa mamamayang Novo Ecijano.

Ayon kay Governor Umali, importante  na balanse ang paggamit ng puso at isipan upang makapaglingkod.

Anang gobernador hindi lahat ay binigyan ng pagkakataon o kakayahan na makapaglingkod kung kaya sana ay huwag itong sayangin.

Sinimulan ang programa ng pagdiriwang ng araw ng mga empleyado ng provincial government sa pamamagitan ng flag raising ceremony na ginampanan ni Provincial Administrator Alejandro Abesamis at ni Provincial Human Resource and Management Officer Teresita Santiago.

Matapos ang unang parte ng programa ay nilinis ng mga kawani ang paligid ng bakuran ng kapitolyo bilang bahagi ng community service.

Nagkaroon ng mga palaro kung saan itinampok ang mga larong pinoy na Pinoy Henyo, Sack Race, Sipa, Patintero, at iba pa na nagpasaya sa lahat ng mga lumahok.

Para makapag-relax ay naghandog ng tinawag na employee’s make-over ang Pamahalaang Panlalawigan  katuwang ang Salon  de Albularyo, Aling Dely’s Beauty Salon, at Orange Salon; kung saan nagpamasahe, nagpagupit, nagpa-manicure, at pedicure ang mga empleyado.

Inilapit din kahapon sa mga kawani ang mga serbisyo ng GSIS, Philhealth, Pag-ibig Fund, NSO, Land Bank of the Philippines, at DBP.

Isa pang nagpasaya sa mga empleyado ng provincial government ang pagbisita ng ina ng lalawigan 3rd District Congresswoman Cherry Umali na nagsilbing panauhing pandangal sa araw ng mga empleyado. –Ulat Ni Clariza De Guzman