Bible Dance Festival, dinagsa ng mga deboto

Sa naganap na pagdiriwang sa Kapistahan ni Apo San Geronimo kamakailan, mahigit sa dalawang libong deboto ang dumagsa mula sa iba’t-ibang barangay at bayan ng lalawigan ng Nueva Ecija.

Kilala si Apo San Geronimo sa pagsasalin ng bibliya sa salitang Tagalog kung saan sinasabi ng karamihan na ito ay isinulat sa makapusong pamamaraan upang mas madaling  maunawaan ng  mga tao ang tunay na kahalagahan ng libro ng mga Katoliko.

Dinarayo taon-taon ang kapistahan ng nasabing patron dahil sa milagrong ipinagkakaloob sa mga taong may mga kahilingan sa kanilang sarili at mga mahal sa buhay.

Tulad na lamang ni Nanay Dolores Salamanca na gumaling ang kanyang karamdaman simula nang siya ay namanata sa nasabing patron.

Isa rin sa pinaka-inaabangan ng mga tao ay ang tinatawag na Bible Dance Festival na pangalawang beses nang isinasagawa sa Baloc.

Sampung grupo mula sa iba’t-ibang barangay ng bayan ng Sto. Domingo ang lumahok at nagpaligsahan sa pagsayaw.

Hindi naman nagpadaig ang mga sumali sa Karakol na isang panata ng mga taga Baloc Sto. Domingo sa pamamagitan ng pagsasayaw na kanilang isinasagawa upang dinggin ng Panginoon ang kanilang mga kahilingan sa pamamagitan ni Apo San Geronimo.

Bukod pa dito, umabot sa 18 float ng mga patron sa bawat purok ang nakiisa sa pagparada na nakasakay sa ipinagmamalaking transportasyon ng kanilang bayan, ang kuliglig.- Ulat ni Shane Tolentino