Abot-Alam Program, muling inilunsad ng Prov’l Youth Dev’t Council

 

Inilunsad na muli ang Abot-Alam Program sa lalawigan ng Nueva Ecija sa pangunguna ng Provincial Youth Development Council na ginanap sa Wesleyan- University Philippines Cabanatuan City.

Dinaluhan ng mga opisyal ng National Youth Commission na sina Assistant Secretary Sixto “Dingdong” Dantes at Executive Director Shierwin Taay, Liga ng mga Barangay sa Pilipinas National President Edmund Abesamis na naging kinatawan din ni Governor Aurelio Umali ang nasabing pagtitipon.

Layunin ng programang Abot-Alam na matiyak na maisasakatuparan ang adhikain ng pamahalaang nasyunal na sa loob ng tatlong taon ay “Walang Kabataang Maiiwan”.

Ang Abot-Alam ay isang istratehiya kung saan pinagsanib ang mga programa ng ahensiya ng gobyerno para sa mga out-of-school youth sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pagkakataon na makapag-aral, makapag-trabaho, at makapag-negosyo.

Isa ang Pamahalaang Lalawigan ng Nueva Ecija sa pamumuno ni Governor Umali sa mga kauna-unahang nagpatupad  ng Abot-Alam program sa bansa na inilunsad noong June 25, 2014.

Sa kasalukuyan ay patuloy ang paghahanap ng PYDC at iba pang ahensiya sa mga barangay ng kabataang may edad labinlima hanggang tatlumpong taong gulang upang maipa-rehistro sa naturang programa.

Inaasahan na sa darating na taong 2016 ay aabot sa isang milyong out-of-school youth ang matutulungan ng Abot-Alam Program.-Ulat ni Clariza de Guzman