AlkanSSSya Program, pinapakinabangan na ng mga Tricycle Driver

Pinapakinabangan na ng mga Tricycle Driver ng NATO o New Association of Tricycle Operators Incorporated sa CLSU Munoz, ang alkanSSSya Program ng Social Security System.

Ang AlkanSSSya Program, ay tumutugon sa hinaing ng maraming manggagawa sa Informal Sector sa dahilang hindi sila makaipon ng pera para sa buwanang kontribusyon.

Kaya naisip ng SSS, na kapag nagtabi sila ng sampung piso araw-araw ay maaari na silang makatanggap ng mga benepisyo mula sa SSS.

Ang mga kalahok sa alkanSSSya na kumikita ng minimum na P3,000 kada buwan, ay may katapat na SSS Contribution na P312.

Mahigit sa 160 tricycle driver ng NATO, ang sumali sa alkanSSSya. Para kay Mang Ernesto, mahalaga na nagkaroon ng ganitong klaseng programa ang ahensya, lalo na sa klase ng hanapbuhay na mayroon siya.

Ang mga kalahok sa Informal Sector ay kinabibilangan ng mga kooperatiba, mga asosasyon sa komunidad, transport worker, basurero, mga vendor, magsasaka at mangingisda. Kasama din ang mga kawani ng mga pamahalaang lokal, mga barangay, mga tanod, at mga volunteer worker.

Ang mga interesadong grupo o asosasyon ay maaaring dumulog sa anumang sangay ng SSS o tumawag sa 920-6401 o 920-6446.- Ulat ni Danira Gabriel