Kauna-unahang hotdog na may malunggay, tikman kung patok sa panlasa mo!

Ikaw ba ay mahilig sa pagkain ng hotdog? Pero ikaw rin ay health conscious?

Pwes, tiyak na ikatutuwa mo ito, dahil binuksan na sa publiko ang kauna-unahang “MOG o Merle Osias Gotico Malunggadog Kami-kami Meals on Wheels” sa bayan ng Bongabon, Nueva Ecija.

Ang malunggadog ay ang pinagsamang malunggay at hotdog o hotdog na nilagyan ng malunggay.

Ito ay nabuo sa pamamagitan ng magtita at may-ari na sina Merle Osias Gotico at April Gotico.

Ayon sa balikbayan na si Merle, taong 2004 pa nang kanyang maisipan na magkaroon ng negosyo gamit ang popular na pagkain dito sa Pilipinas, ang hotdog.

Ngunit dahil siya ay nasa ibang bansa, hindi ito kaagad naisakatuparan.

Samantala, dala na rin ng kanyang kinalakihan, mulat si Merle sa isang pamilyang mahalaga ang pagiging malusog at healthy ang mga kinakain.

Dito na raw nangsimula ang kanyang negosyong “MALUNGGADOG”.

Ipinagmamalaki rin nina Merle at April ang kanilang malunggadog dahil hindi raw tulad ng ibang produktong may malunggay leaves, ang kanila umanong mga produkto ay mas mataas ang hatid na nutrisyon dahil malunggay powder ang kanilang gamit.

Dagdag pa ni Merle na hindi lamang sa pansariling interes ang pagtatayo niya ng negosyo dahil nais niya ring magkaroon ng sariling charity na naglalayong matulungan at maalalayan ang mga batang kapos sa buhay lalo pa nga at wala siyang sariling pamilya maliban sa kanyang mga pamangkin at apo na itinuturing na niya bilang tunay na  mga anak.

Bukod sa hotdog, mayroon ding ino-offer ang MOG na tocino, longganisa, siomai at marami pang iba na pawang may sangkap na malunggay.—Ulat ni Mary Joy Perez