Construction materials, ipinamahagi na

Ipinamahagi na ng Pamahalaang Panlalawigan ang ipinangakong proyekto para sa apat na Barangay na mas nangangailangan sa lalawigan at isa na nga dito ang Barangay Tagumpay sa bayan ng San Leonardo.

 

Pinangunahan ng Ina ng Lalawigan at 3rd District Congresswoman Cherry Umali ang pagbibigay ng construction materials at computer set.

 

Mas pinili ng Provincial Government na ang pondong nakalaan para sa anibersaryo ng Unang Sigaw ay ipamahagi na lamang sa apat na Barangay na mas nangangailangan ng tulong.

 

Bawat isang Distrito sa lalawigan ay pumili ang Pamahalaang Panlalawigan ng tig-isang pinaka nangangailangan na Barangay, upang mabahagian ng pondo para sa ikauunlad ng kanilang lugar na nasasakupan.

 

Sa Unang Distrito ay ang Barangay Edy sa Nampicuan, sa Pangalawang Distrito ay ang Barangay Villa Labrador ng Rizal, sa Pangatlong Distrito ay ang Barangay Pulong Singkamas sa Natividad at ang Barangay Tagumpay sa Ika-apat na Distrito.

 

Labis naman ang kasiyahan ni Punong Barangay Randy Bautista, sa materyales na kanilang natanggap para sa pagsasaayos ng kanilang kalsada, pagpapagawa ng kanilang palikuran, pagkakaroon ng mga poso, mga medikal na kagamitan at computer set.

 

Bukod sa Barangay Tagumpay, nabahagian din ang Barangay Diversion ng pondo para sa pambili ng lupa ng kanilang itatayong Day Care Center.

 

Ayon pa kay Congw. Cherry Umali, umpisa pa lamang ito ng mas maraming pang proyektong kanilang tutugunan para sa ikauunlad ng bawat barangay sa lalawigan.-Ulat ni  Danira Gabriel