Ika-118 taong anibersaryo ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija, Ipinagdiwang

Simple at payak ang naging pagdiriwang kahapon ng Pamahalaang Panlalawigan sa ika-118 taong anibersaryo ng Nueva Ecija.

Nakiisa sa nasabing okasyon ang mga empleyado ng kapitolyo, mga ahensiya ng gobyerno, at mga namumuno sa local na pamahalaan.

Matapos ang flag raising ceremony na taunang isinasagawa sa old capitol sa Cabanatuan City na ginampanan ni Governor Aurelio Matias Umali at Vice Governor Jose Gay Padiernos ay nagkaroon ng maikling palatuntunan.

Ayon sa ama ng lalawigan, minabuti niyang imbes na gastusin sa magarbong selebrasyon ang pondong nakalaan para sa anibersaryo ng Unang Sigaw ay ipagkakaloob na lamang ito sa apat na mga barangay na nangangailangan ng tulong mula sa provincial government.

Binigyang diin ni Governor Umali ang tunay na diwa ng Unang Sigaw ay pagsasakripisyo para sa kapwa at paggalang sa karapatan ng bawat isa.

Ang mga ito rin aniya ang ipinaglaban noon ng ating mga bayani na nagbuwis ng kanilang buhay sa pakikidigma sa mga dayuhang mananakop upang makamit ang kalayaan na atinng tinatamasa sa kasalukuyan at patuloy na pinangangalagaan.

Sa mensahe ng gobernador, pinasalamatan niya ang lahat ng kanyang katuwang sa paglilingkod at nagbibigay ng bagong pag-asa sa mamamayang Novo Ecijano. – Ulat ni Clariza de Guzman.