SK Batch 1996, nag-react sa pagtataas ng amilyar sa Cabanatuan City

Nagpahayag ng pagtutol ang mga dating opisyal ng Sangguniang Kabataan batch 1996 sa lungsod ng Cabanatuan kaugnay sa pagtataas ng singil sa amilyar na isa ng ganap na ordinansa.

Tinatayang aabot mula 600% hanggang 800% ang itataas sa singil sa Real Property Tax sa Cabanatuan na inaasahang ipatutupad sa susunod na taon.

Ayon sa mga dating lider ng kabataan sa mga barangay, hindi dumaan sa tamang proseso ang pagpapasa ng nasabing ordinansa dahil sa kakulangan ng konsultasyon sa mamamayan.

Sa kanilang pananaw ay hindi pinag-aralang mabuti ng konseho ang panukalang pagtataas ng singil sa real property tax bago ito ikinasa.

Malaking tanong umano kung saan kukunin ng mamamayan ang ipambabayad sa ipapataw na bagong buwis dahil pamamasada lamang ng tricycle ang pangunahing ikinabubuhay sa lungsod.

Mas dapat umanong paigtingin muna ng local na pamahalaan ng Cabanatuan ang pagkolekta ng buwis sa mga delinkwenteng taxpayers, habulin at papanagutin ang mga tax evaders kaysa itaas ang singil sa amilyar.

Ipinagtataka ng mga dating lider ng kabataan sa inaprubahang ordinansa  kung bakit hindi kabilang ang makinarya sa mga tataasan ng buwis.

Apela ng mga dating Sk Officials sa Sangguniang Panlalawigan kung saan inaasahang dadaan at rereviewhin ang ordinansa, na sana’y masusing pag-aralan kung dapat ba talagang magtaas ng singil sa amilyar sa Cabanatuan bago ito ipatupad.

Hinihikayat ng mga dating sk ang mamamayang Cabanatueño na dumulog sa Sangguniang Panlalawigan upang mapigilan pa ang pagpapatupad ng ordinansa.- Ulat ni Clariza De Guzman