DPWH, humihingi ng pang-unawa sa publiko

Humihingi ng pang-unawa sa publiko ang DPWH o Department of Public Works and Highways dahil sa abala sa trapiko dulot ng major infrastructure projects na pinagtutuunan ngayon ng kanilang tanggapan sa 3rd at 4th District ng lalawigan.

Umaabot umano sa mahigit four hundred million pesos ang halaga ng mga pagawaing proyekto sa dalawang distrito na nasasakupan ng DPWH Nueva Ecija 2nd District Office sa pamumuno ni Engineer Ulysses Llado.

PHP 243 million pesos ang nakalaan para sa mga proyekto sa 3rd district kung saan kabilang ang concreting, widening, at rehabilitation ng mga kalsada at kanal sa Cabanatuan City.

Sinimulan noong August 12, 2014 ang rehabilitasyon ng tulay sa Valde Fuente Cabanatuan na nag-resulta sa matinding pagsisikip ng trapiko dahil isinara ang Vergara hi-way na dapat sana ay magsisilbing alternatibong daan.

Ayon kay Engineer Ulysses Llado, bago pa man nila ipinaayos ang tulay ng Valde Fuente ay pinaghandaan na nila ang mga problemang kakaharapin.

Suhestiyon ni Engineer Llado sa mga motorista na hindi makadaraan sa Vergara hi-way ay humanap na lang ng ibang daan upang bumilis ang kanilang biyahe.

Matatandaan na noong nakaraang buwan ng Hunyo ay ipinatigil ni Mayor Jay Vergara ang konstruksyon ng Cabanatuan City-Papaya road dahil hindi umano kinonsulta ng DPWH ang local na pamahalaan kaugnay sa nasabing proyekto.

Kung may problema o reklamo ang mamamayan hinggil sa mga pagawaing proyekto ng DPWH ay bukas ani Engineer Llado ang kanilang tanggapan sa mamamayan upang pag-usapan at masolusyunan ang problema.

Ulat ni Mary Joy Perez