VIDEO HIGHLIGHTS: NECSL 2014 Cheerdance Competition

Opisyal nang binuksan sa isang simpleng seremonya ang ikatlong taon ng Nueva Ecija Collegiate Sports League (NECSL) 2014 na handog ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Governor Aurelio “Oyie” Matias Umali, Congresswoman Cherry Umali at sa pakikipagtulungan ni Doc Anthony Umali.

Ginanap muli ang opening ceremony sa Araullo University (AU) Gymnasium na dinaluhan ng mahigit isang libong estudyante mula sa labintatlong koponan na bahagi ng NECSL.

Nagsimula ang programa sa pagpasok ng mga atleta ng bawat unibersidad at kolehiyo na inikot ang loob ng AU gymnasium. Pagkatapos nito, nagbigay ng mensahe sa mga manlalaro si Attorney Alejandro Abesamis, Provincial Administrator.

Nanumpa rin ang mga atleta sa pangunguna ni Most Valuable Player o MVP ng NECSL Season 2 na si Krushev Ferrer mula sa NEUST Phoenix. Sumunod ay ang pagsindi ng sulo o lighting of torch tanda ng pagkakaisa at pagiging sports ng mga manlalaro.

Nagpatalbugan pagdating sa ganda ang labintatlong binibini sa Ms. NECSL 2014 kung saan nasungkit ng muse ng CIC Kings na si Cyrille Luciano ang titulo.

Kabilang din sa mga nagwagi ang muse ng Wesleyan University-Philippines Riders na si Sharla Santillan bilang 1st runner up, Janet Andres from La Fortuna College Spartans bilang 2nd Runner-up, at 3rd Runner up ang muse ng ABE Blue Vipers na si Jale Munar.

Naging emosyonal naman ang pagkapanalo ng College of Research and Technology (CRT) Blue Fox matapos makuhang muli sa ikalawang pagkakataon ang kampeonato sa Cheerdance Competition.

Nakamit ng Nueva Ecija University of Science and Technology o NEUST Phoenix ang 1st runner-up at 2nd runner-up naman ang College of the Immaculate Concepcion CIC KIngs.

Isa-isa ring nagpakitang gilas sa kanilang natatanging bilang ang Company of Araullian Dancers, CRT Dance Troupe, WU-P Dance Troupe, at NEUST Danza.- Ulat ni Shane Tolentino