NEPPO, 703RD BRIGADE, AT PPSC, nagpa-presscon kaugnay sa 2 diumano’y NPA

Nilinaw kahapon sa ipinatawag na press conference ng Nueva Ecija Philippine National Police, 703rd Brigade 7th Infantry Division Philippine Army, at Provincial Public Safety Company na hindi umano dinukot ng mga militar ang dalawang kabataang lalaki na sinasabing mga miyembro ng CNN o Communist Party of the Philippines-New People’s Army Democratic Front na napaulat na nawawala sa bayan ng Carranglan noong August 8, 2014.

Ayon kay Provincial Police Director Crizaldo Nieves minarapat nilang humarap sa media upang liwanagin ang mga pangyayari kaugnay sa nasabing isyu na taliwas aniyasa mga naglabasang balita.

Paliwanag ni PD Nieves, nagsanib-pwersa ang PNP, CIDG o Criminal Investigation and Detection Group, at 703rd Brigade na nakakasakop sa Carranglan sa paghahain ng warrant of arrest ng isang Ely Agmaliw Taray na may mga kaso ng double murder noong taong 2008 at attempted murder noong 2006 na nakasampa sa RTC San Jose City.

Nang magtungo umano sila sa tahanan ni Ely Taray ay biglang nagtakbuhan  ang dalawang lalaki na kinilalang sina Gerald Salonga, bente tres anyos, residente ng San Jose del Monte, Bulacan at Guiller Cadano, bente tres anyos, residente ng Angeles City, Pampanga kapwa miyembro ng Kabataan Partylist.

Pinabulaanan din ng mga otoridad ang kumalat na impormasyon na mga CNN o mas kilala bilang NPA sina Salonga at Cadano at itinangging tinorture sila ng mga alagad ng batas para umamin.

Kumalat lamang daw na CNN ang dalawa dahil sa naging koneksyon kay Taray at dahil nahulihan ang mga ito ng baril, bala, granada, at mga subersibong dokumento.

Kakaharapin nina Salonga at Cadano na kasalukuyang nakakulong sa PPSC ang kasong paglabag sa R.A. 10591 o illegal possession of firearms and explosives.- Ulat ni Philip “ DOBOL P” Piccio