Lacson Golden Lions, handa na sumabak sa NECSL Season 3!

Puspusan ang ensayo ng mga manlalaro ng Dr. Gloria D. Lacson Colleges na kilala bilang Golden Lions bilang paghahanda sa nalalapit na labanan ng kanilang grupo kontra sa labindalawang iba pa mula sa mga kolehiyo at unibersidad sa lalawigan para sa NECSL o Nueva Ecija Collegiate Sports League Season 3.

Halos isang taong naghanda ang Lacson Golden Lions para sa pakikipagbakbakan sa darating na Miyerkules, August 20 taong kasalukuyan.

Ikalawang beses na nitong makikipagtunggali sa mga higanteng koponan na sadya ring pinaghandaan ang palaro.

Noong nakaraang taon NECSL Season 2, nasa ikapitong pwesto ang Golden Lions. Nakalaban nila sa knock-out game ang CLSU Green Cobras para sa Quarter Final Round.

Bigo man ang Golden Lions na makapasok sa Quarter Final Round ng NECSL Season 2 noong nakaraang taon, pipilitin nilang makapasok ngayong NECSL Season 3 para sa top 6 ng kompetisyon.

Libinlimang miyembro ang bumubuo sa Team Lacson at tatlo ang reserved players. Lima ang nadagdag na magpapalakas lalo sa kanilang team upang makuha ang minimithing titulo.

Kabilang sa Bracket A ang Lacson Golden Lions at matinding makakalaban ang NEUST Phoenix, AMA Titans, MVGFC Ambassadors, CRT Bluefox, ABE Wolves, at Datamex Bluevipers.- Ulat ni Shane Tolentino