Breastfeeding, mas nirerekomenda ng mga doktor kaysa bottle feeding

Pinakamasustansiyang pagkain ng sanggol ang gatas na nagmumula sa ina simula pa lamang ng pagsilang nito. Anu-ano kaya ang mga nutrients na nakukuha sa gatas ng ina kung ikukumpara sa mga gatas na nabibili sa lata?

Ang breastfeeding o pagpapasuso ng ina ay pagbibigay ng nutrisyon sa sanggol.

Ang gatas ng ina ay mahalaga at pinakamahusay na uri ng gatas kung ikukumpara sa mga gatas na nakalata kaya’t inirerekomenda sa mga nanay na nararapat lamang na ito ay ibigay sa sanggol mula pagkasilang hanggang anim(6) na buwan na walang halong pagkain, tubig o maging bitamina man.

Ang pagpapasuso ng ina sa sanggol ay may taglay na nutrients na  tumutulong upang  protektahan ang mga sanggol laban sa pagtatae, pulmonya, pagkakaroon ng allergies at iba pang mga uri ng sakit. Nagbibigay din ito ng matagalang proteksiyon laban sa diyabetes at mga kanser sa kalaunang bahagi ng buhay ng sanggol

Samantala, nakakatulong din ito sa mga nanay para sa mabilisang pagpapapayat,  pagbabalik sa dating sukat ng matres, at pagpapahinto ng pagdurugo pagkatapos ng pagkapanganak.

Maaari ring maprotektahan ang nanay laban sa mga kanser partikular ang breast cancer at nakakabawas din ng panganib na magkaroon ng osteoporosis o pagkabaluktot ng gulugod at pagkabali ng balakang sa darating na araw.

Ang mga sanggol na hindi napasuso ay may 10-15% ma-ospital bago dumating ang kanilang unang kaarawan, at mas mataas ang panganib ng pagkataba, maaaring magkaroon ng Type 1 and Type 2 Diabetes, kanser sa dugo (leukemia) at ang SIDS O Sudden Infant Death Syndrome.

Ang mga ina na hindi nagpasuso ay mataas ang panganib na magkaroon ng kanser sa suso, sa matres, Type 2 Diabetes, atake sa puso at metabolic syndrome o tanda ng mga sakit sa katawan.

Maaaring magpasuso ang isang ina mula pagsilang hanggang dalawang taon upang mas maging malusog at mabilis ang paglaki ng isang sanggol.

Paalala sa mga nanay na nagpapasuso, uminom ng maraming tubig, juice at gatas araw-araw.  Limitahan ang inumin na may caffeine tulad ng kape, tsaa at soda. Kumain ng masusustansyang pagkain at magpahinga ng tama. Bawal ang droga, alak at tabako.- Ulat ni Shane Tolentino