RTC at Hall of Justice ng Cabanatuan, binulabog ng bomb threat

Binulabog ng pangamba ang mga kawani at ilang mamamayan ng Regional Trial Court sa loob ng kapitolyo at Hall of Justice sa Brgy. San Juan Accfa Cabanatuan City dahil sa di umano’y napapabalitang bomb threat sa nasabing gusali bandang alas nuebe i-medya ng umaga kahapon.

Agad namang rumisponde ang mga kapulisan ng Cabanatuan City gayundin ang Provincial Public Safety Company o PPSC  kasama ang mga K9 unit na sinanay sa paghahanap ng mga hinihinalang bomba.

Dumating din ang mga bomb expert mula sa 7 ID Philippine Army sa Fort Magsaysay.

Biro man o totoo, ang napabalitang may bomba sa gusali ng bulwagang katarungan ay nakakitaan ng pagka-alerto ang mga awtoridad at mamamayan ng lungsod ng Cabantuan at lalawigan ng Nueva Ecija.

Nasuspinde ang mga kaso sa bulwagan ng katarungan at ni-reset sa ibang araw.

Ang mga kawani ay pinalabas sa gusali upang masiguro ang kaligtasan ng bawat isa.

Tumagal ng halos limang oras ang pagsisiyasat ng mga awtoridad ngunit wala pang linaw kung may katotohanan na di umano ay may bomba sa nasabing gusali.-Ulat ni Shane Tolentino