Bagong sangay ng SSS, binuksan sa San Jose City

Malaking tulong para sa katulad ni Chester, miyembro ng SSS o Social Security System, na mas malapit na ngayon ang kanyang pupuntahan para sa pagpoproseso ng kanyang Sickness Benefits. Dulot ng pagpapaliban niya sa trabaho dahil sa pagka-aksidente sa motorsiklo.

Binuksan ng SSS ang bagong sangay nito sa Brgy Abar Second, San Jose City. Layunin na mas mailapit ang serbisyo ng ahensya sa mahigit sampung libong Employees at dalawang libong Self-Employed o Voluntary Members.

Pinangunahan ni Emilio De Quiros, Presidente ng SSS ang pagbubukas at inagurasyon ng San Jose City, Nueva Ecija Branch. Ito na ang pangalawang sangay ng SSS sa lalawigan.

Sa kasalukuyan, ito na ang pang-pitong sangay na binuksan ng ahensya.

Nakatakdang magbukas ang ahensya ng dalawamput apat na panibagong sangay sa buong Pilipinas. Upang palakasin ang pagdadala ng serbisyo sa lumalaking bilang ng mga miyembro ng SSS. –Ulat Ni Danira Gabriel