30 candidate ng Mutya ng Pilipinas 2014, pumarada sa Nueva Ecija

Pumarada ang tatlumpung (30) kandidata ng Mutya ng Pilipinas 2014 sa city proper ng Cabanatuan City kamakailan.

Pagkaway at magandang ngiti ang ipinakita ng mga kandidata sa lahat ng nag-abang at nanood sa kanila.

Sa gitna ng kaganapan ay bumuhos ang ulan at hindi ito  inalintana ng mga kandidata at itinuloy pa din ang parada.

Itinampok din dito ang mga street dancers. Ito ay ang Constancio Padilla National High School ng San Jose City, NEUST o Nueva Ecija University of Science and Technology General Tinio Campus at Macabaclay National High School ng Bayan ng Bongabon.

Pagkatapos ng parada ay tumuloy ang mga kandidata sa Old Capitol Building kung saan malugod na pagtanggap at pagbati ang ibinungad ng ating Provincial Government sa pangunguna ni Provincial Director Atty. Alejandro Abesamis bilang kinatawan ng  ama ng lalawigan Governor Aurelio “Oyie” Umali.

Ayon kay Executive Producer of Mutya ng Pilipinas, Long Gown Competition Engr. Mercedes Padolina na ang pambato ng Nueva Ecija na si Ma. Jackielyn Dulay ay talaga namang  kapansin-pansin at may taglay na talino.

Ang mga kandidata ay mula sa iba’t ibang probinsya ng Pilipinas at ilang kinatawan ng Filipino community sa karatig bansa tulad ng Canada, Arizona, USA at Germany.  Nagsama-sama ang piling mga dalaga upang ipamalas ang kanilang natural na ganda, talino at talento.

Isa na rito ang pambato ng ating probinsya ng Nueva Ecija, Ma. Jackielyn Dulay tubong San Jose City.

Ayon kay Dulay, masaya siya bilang isa sa mga  kandidata ng Mutya ng Pilipinas 2014 at nag-enjoy sila sa naganap na motorcade.

Sa huli ay  masaya at game na game ang mga kandidata sa pag-indak kasabay ang mga street dancers. –Ulat ni Joyce Fuentes