Paglipat ng New Bilibid Prison sa Nueva Ecija, tuloy na tuloy na

July 23, 2014 — Tuloy na tuloy na ang paglilipat ng  New Bilibid Prison (NBP) sa Fort Magsaysay Military Reservation (FMMR) dito sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Ipinakita na kahapon ng Department of Justice (DOJ) at Public-Private Partnership (PPP) Center ang plano para sa Regional Prison Facilities sa 500 hectares site sa loob ng Fort Magsaysay na sakop ng Gen. Tinio, Papaya.

Maihahambing daw ang ipapatayong bilangguan sa mga kulungan ng Amerika na may maayos at kumpletong pasilidad at kayang mag-okupa ng hanggang 26,000 inmates at tumataginting na P50.2 billion ang estimated project cost nito.

Ginanap ang nasabing presentasyon sa Palayan City Convention Center na dinaluhan  ng humigit kumulang dalawpung Mayor At Vice Mayor mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa lalawigan, ilang Brgy. Officials, ilang Local Government Units (LGUs), at ng ama ng probinsya na si Gov. Aurelio “Oyie” Umali.

Layunin ng nasabing pagtitipon na malaman at mapakinggan ang reaksyon ng publiko para sa proyekto.

Ayon kay DOJ Usec. Francisco Baraan III, bukas sila sa lahat ng suhestiyon at komento ng mamamayan ng lalawigan.

Samantala, pabor ang ama ng lalawigan sa pagpapatayo ng nasabing kulungan dahil pwede umanong magkaroon ng maraming trabaho ang mga Novo Ecijanos kung sakaling simulan na ang pagpapagawa nito.

Hinihiling din ng gobernador sa pamahalaan na hangga’t maaari ay matulungan ang mga residente ng lalawigan tulad ng mga magsasaka na magkaroon ng market sa bigas, gulay at iba pang produktong pang-agrikultura.

Inaasahang masisimulan ang pagpapatayo ng nasabing bilangguan sa susunod na taon at target ng pamahalaan na mabuksan na ito sa 2018.

— Ulat ni Mary Joy Perez.