Ikalawang Bahagi: Unang Sigaw ng Nuweba Esiha, 2 Setyembre 1896

Sanaysay ni Milena Bautista-Picart. Ang ilang bahagi nito ay mula sa manuskripto ng yumaong si Prof. Leopoldo Serrano na inilathala ni Jonathan B. Briones at pinamagatang Araw ng Nueva Ecija, Setyembre 2, 1998. Gayundin sa inilathalang librong The History of San Isidro, Told and Retold sa panulat ni Dean Leonila C. Gonzales

Part 1 | Part 2 | Part 3 | Part 4

san isidro church

San Isidro Labrador Parish Church

Hindi kalayuan  sa lumang gobierno ang kauna-unahang simbahang Katoliko na naitayo ng mga kastila noong ika-18 siglo ngunit matapos ang pananakop ng mga Amerikano nasira ang lumang simbahan at nagtayong muli ng bago na itinatag noong 1930’s at ito na rin ang pangkasalukuyang simbahang Katoliko  ng bayan.

Noong panahon din ng mga Kastila taong 1890 hanggang 1898 ay may itinayong maliit na kapilya na matatagpuan sa gitna ng pampublikong sementeryo kung saan hanggang ngayon ay makikita pa din ang mga ruins nito sa orihinal niyang lugar.

Kilala sa tawag na “Bahay ni Kapitan Pulong o Sideco House”, ang pinakamakaysaysayang bahay sa bayan ng San Isidro, at sa lalawigan ng Nueva Ecija. Ang Sideco House ay hindi basta lumang bahay lamang. Sa bawat sulok, muwebles, pader ng bahay na ito mababanaag ang mga nakatagong kwento na mahalaga hindi lamang para sa mga taga Nueva Ecija, kundi maging sa buong bansa.

March 29, 1899 nang ilipat ni General Emilio Aguinaldo ang kapital ng republika ng Pilipinas sa San Isidro, Nueva Ecija mula sa Malolos, Bulacan. Nanirahan at ginawang himpilan ang Sideco house ni Aguinaldo, ang unang pangulo ng republika ng Pilipinas noong mga panahong umiiwas siya sa mga Amerikanong mananakop hangang October 11, 1899. Kasama niya ang kanyang asawa at mga gabinete kung kayat ang San Isidro ay naging kapital ng bansang Pilipinas sa loob ng mahigit limang buwan nilang paninirahan dito at ang Sideco House naman ay ang naging kapitolyo.

sideco

Sideco House

Ang makasaysayang bahay na ito ay pag-aari ni Crispulo Sideco, o mas kilala sa tawag na Kapitan Pulong. Pinangalagaan niya sila Aguinaldo sa buong panahon ng pagkakahimpil nila dito. Maraming mararangyang pagtitipon noong panahon ng mga Amerikano ang ginanap dito.  Noong panahon ng pananakop ng mga Hapon, ginamit naman ang Sideco House bilang garrison.
Kung noong panahon ng mga Kastila at Amerikano iginagalang at maayos ang Sideco House, kakaiba noong panahon ng mga Hapon. Winasak nila ang mga dingding at sinira nila ang mga partisyon  ng bahay.

Hindi na rin kami pinayagang pasukin ang loob ng bahay dahil ayon sa may-ari nito at sa mga nagbabantay dito wala na rin naman daw mahalagang bahay o ano mang makasaysayang gamit sa loob nito. Naglaho na rin sa paglipas ng panahon.

Ngunit sa mga nakakaalam ng kuwento, nakatatak pa rin dito ang mga bakas ng luha, halakhak, tagumpay at pagkabigo ng ating mga ninuno o nang sinumang dayuhang sumakop dito. Ibat-ibang panahon man ang dumaan, sana ay manatili pa rin sa kalooban ng bawat Pilipino hindi lamang ang istraktura ng bahay na ito, kundi ang mahalagang ginampanan nito sa ating kasaysayan.

Ngayon ay pagmamay-ari na ito at nasa pangangalaga na ni Ginoong Leo Guingon na tubong Calaba, San Isidro, Nueva Ecija.

Part 1 | Part 2 | Part 3 | Part 4