Honorato C. Perez Science High School, ipinagdiwang ang ika-40 taon ng Buwan ng Nutrisyon

JULY 18, 2014 — Honorato C. Perez Science High School, ipinagdiwang ang ika-40 taon ng  Buwan ng Nutrisyon

Tuwing Hulyo ng bawat taon, idinaraos ng bansa ang National Nutrition Month alinsunod sa Presidential Decree 49, ang Nutrition Act of the Philippines, na nilagdaan noong ika -25 ng Hulyo, 1974. Ito ang ika-apatnapung taong pagdiriwang ng buwan ng nutrisyon na ayon sa batas, itinalaga ang buwan ng Hulyo upang mabigyan ng kamalayan ang bawat Pilipino sa kahalagahan ng nutrisyon.

Isa ang paaralan ng Honorato C. Perez, Sr. Memorial Science Highschool na nakiisa sa pagdiriwang ng Buwan Ng Nutrisyon kasama ang mga mag-aaral at guro nitong nakaraang Biyernes, ika-labingpito ng Hulyo.

Kalamidad paghandaan, gutom at malnutrisyon, agapan, ito ang naging paksa ng pagdiriwang ngayong taon.

Tampok sa pagdiriwang ang paligasahan ng mga mag-aaral mula sa grade 7 to senior na kinabibilangan ng Cook Fest, Poster Making, Slogan Making at Jingle Solo and Duet.

Ayon sa punung guro ng nasabing paaralan, ang mga mag-aaral ng Science Highschool ay hindi lamang hinuhubog ang katalinuhan kundi pinapalawak pa nito ang mga kaalaman upang labanan ang kalamidad sa pamamagitan ng pagganap ng mga gawaing may kaugnayan sa nutrisyon.

Aktibo naman ang mga kalahok sa Cook Fest kung saan mas naging mas kapana-panabik at katakam-takam ang mga inihandang recipe ng mga mag-aaral.

Lahat ng mga putahe, kanya-kanyang pakulo, masusustansiya at madaling iluto sa panahon ng kalamidad.

Maging sa tagisan ng talino at galing sa pagguhit ay hindi nagpahuli ang mga sumali na ipinakita ang talent pagdating sa sining.

Pasasalamat ang ibinigay ng ni Mr. Alberto Santos, punong-guro ng paaralan sa ama ng lalawigan Gov. Oyie Umali, kongresista ng ikatlong distrito Congresswoman Cherry Umali at dating board member ng ikatlong distrito Doc Anthony Umali sa ibinigay na 150 packs na snacks sa mga bata at tropeo para sa mga nagwagi sa paligsahan.- Ulat ni Shane Tolentino