Depektibong irigasyon sa Sitio Sanggalang, inireklamo

July 8, 2014 — Ipinaabot ng isang concern citizen sa programang Dobol P ng TV48 sa pamamagitan ng isang txt message ang kanilang hinaing at reklamo hinggil sa depektibong irigasyon sa Sitio Sanggalang  ng Jaen Nueva Ecija. 

Kaugnay nito ay nag tungo ang Tv48 Staff sa nasabing lugar upang kompirmahin ang kanilang reklamo.

Pagdating sa mismong irigasyon ay kinumpirma ng mga residente na nakatira sa gilid nito ang depektibong harang o dalawang pinto  na hindi na mabuksan dahil sa pagkasira at tanging isa lamang na daluyan ang gumagana.

Naging dahilan ito ng hindi maayos na pag-agos o hindi pagdaloy ng tubig sa nasabing irigasyon. At may posibilidad na umapaw ito lalo na ngayong panahon ng tag-ulan at maapektuhan ang mga bahayan sa paligid nito lalo na ang kanilang mga bukirin.

Ayon kay Jesus De Leon, residente, malaking perwisyo ang magiging dulot nito sa kanila. Sa pagtaas ng lebel ng tubig sa irigasyon ay nakakaapekto ito sa pagtibag at pagbagsak ng lupa sa paligid nito.

Bilang boses ng residente ng Sitio Sanggalang ay mensahe ang ipinarating ni De Leon sa mga kinauukulan.

Idinulog namin ang reklamo ng mga residente ng Sitio Sanggalang sa Jaen Municipal Hall kung saan pinaunlakan kami ng isang panayam ni Mayor Santy Austria.

Ayon kay Mayor Santy ay wala silang natanggap na anumang reklamo tungkol sa nasabing sirang irigasyon sa Sitio Sanggalang, bagama’t ngayon lang nila nalaman ang tungkol dito ay karampatang aksyon ang kanilang tugon sa nasabing  suliranin. Ulat ni Joyce Fuentes