Pantabangan Dam, hindi aabutin ang critical level –NIA-UPRIIS

July 7, 2014 — Siniguro ng NIA-UPRIIS o National Irrigation Administration – Upper Pampanga River Integrated Irrigation System na hindi aabot sa critical level ang tubig sa Pantabangan Dam, na nagsusupply  sa mahigit isang daang libong ektarya ng Palayan sa Nueva Ecija at bahagi ng Pampanga, Tarlac at Bulacan.

Ayon kay Engr. Josephine Salazar, operations manager ng NIA-UPRIIS, bagamat bumaba na sa 177.16 meters ang water level sa dam ay hindi umano nito aabutin ang critical level na 171 meters.

Wala din daw dapat ipangamba ang mga magsasaka ngayon wet season dahil sa tulong ng ulan na bumabagsak sa mga palayan at patuloy ang mga ginagawa nilang hakbang upang matiyak na sapat ang patubig sa dam.

Katulad ng cloud seeding operation na tuloy na tuloy nang isasagawa sa huling linggo nitong buwan. Dahil naaprubahan na ni Sen. Kiko Pangilinan ang ginawang request ng kanilang ahensya at pamahalaang panlalawigan sa  isang libo at limang daan na sako ng asin na ikakalat sa makakapal na ulap sa Pantabangan Watershed Area ngayong taon.

Ngunit kasabay nito, nagpa-alala si Salazar sa mga magsasaka na dapat tipirin at gamitin ng wasto ang tubig para sa paghahanda sa darating na dry season.

Ito rin ay kaugnay ng kanilang paghahanda sa inaasahang pagdating ng El Nino sa bansa. Ulat ni Danira Gabriel