Dumarami, lugawan sa San Isidro

July 7, 2014 — Sa bayan ng San Isidro, kulang sa sampung tindahan ng lugawan ang nagpapaligsahan sa mga mamimili. Kanya-kanyang suki ng customer depende sa pagkakatimpla ng lasa ang labanan.

Sa paglibot ng newsteam, aming napuntahan ang pinakamatanda at pinakamalaking lugawan sa bayan ng San Isidro at ito ay ang Marissa’s Lugawan na matatagpuan sa Barangay San Roque.

Dati ay maliit na kubo lamang ang Marissa’s Lugawan at habang tumatagal at sa pagsisikap na rin ng mag-asawang Marissa at Rico ay napalago nila ang kanilang munting negosyo.

Labinlimang taon ng nakatayo ang lugawan sa barangay at ayon sa mga mamimili, ito ang the best na kainan ng lugaw sa kanilang bayan.

Bente kwatro oras bukas ang unli lugaw ng Marissa’s Lugawan sa halagang bentsingko pesos may kasama ng manok at sampung piso ang plain lugaw.

Hindi bababa sa labinlimang kaldero ang kayang ubusin sa isang araw umulan man o umaraw. Ayon kay Rica, anak ng may-ari, nauubusan lang daw sila kung sakaling walang supply ng manok. Pero, sadyang napakarami raw talagang kumakain at nagtatake-out sa kanila ng lugaw.

Pati mga dayo at nagdedeliver ng mga produkto sa malayong lugar ay dito humihinto at kumakain.

Ayon sa kanila, sa halagang bente singko pesos ay busog na sila. Kahit ulit-ulitin, sulit at napakagaan pa sa bulsa. Ulat ni Shane Tolentino