Medical dental mission sa Sto Tomas, Peñaranda, dinagsa

June 28, 2014 — Dinagsa ng daan-daang residente ang isinagawang Medical At Dental Mission sa bayan ng budang gandang Peñaranda partikular sa Barangay Sto. Tomas nitong Sabado (June 28).

Ito ay sa pakikipagtulungan ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Governor Aurelio Matias Umali at ina ng lalawigan Congresswoman Cherry Umali, Local Government Unit- Penaranda sa pangunguna ni Mayor Ferdinand “BlueBoy” Abesamis at Philippine Postal Corporation o PHILPOST.

Ang programang pangkalusugan ay kaugnay ng ika pitumput limang anibersaryo ng pagbibigay serbisyo at balita ng radio station dzrh sa mga mamamayan.

Pinangunahan ng anim na doktor sa medikal at 4 na dentista mula sa Gapan District Hospital, San Antonio District Hospital, General Tinio Medicare at Municipal Health Officer at kaagapay ang anim hanggang walong nurses na nag-asiste sa mga residente ng barangay .

Tinatayang mahigit sa limang daang katao, bata man o matanda ang naitala mula sa datos ng Provincial Health Office sa maghapong pagsagawa ng naturang programa.

Ayon sa kapitan ng Barangay Sto Tomas, napakahalaga ng paglapit ng programang ito para sa kanyang mga kabarangay.

Bukod sa libreng programa, namahagi din ng mga libreng gamot tulad ng gamot para sa lagnat, ubo, sipon, mataas na presyon, sakit sa ngipin, kirot, diabetes at mga bitamina.

Pasasalamat ang hatid ng mga residente mula sa Barangay Sto. Tomas sa paglapit ng naturang programa. Ulat ni Shane Tolentino